Baliwag Health Baliwag News Service covid19

Bulacan, Inilagay sa Alert Level 3

Advertisements

Agad na nagpulong ang Local IATF kasama ang Liga ng mga Kapitan upang mapag-usapan ang mga probisyong inilatag kaugnay ng pagtaas ng bilang ng Covid19 sa NCR. Ang mga inilatag na probisyon ay naglalayong mapababa ang mga kaso sa pamamagitan ng mga tagubilin na magbuo ng sariling “bubble” ang bawat pamilya hangga’t mataas ang bilang ng covid19. Kasama na din sa mga probisyon ay ang pag iwas sa tatlong C o ang closed spaces, closed setting at crowded areas.

Narito po ang kopya ng Executive Order No. 25 ng Pamahalaang Bayan na may kinalaman sa pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Bayan ng Baliwag simula January 5 hanggang 15, 2022 batay sa National IATF Guidelines on the Nationwide Implementation of Alert Level System for Covid 19 Response (as of December 14, 2021).

https://pcoo.gov.ph/wp-content/uploads/2021/12/20211214-IATF-GUIDELINES-RRD.pdf

Magmessage lamang po sa ating Page kung nais makakuha ng pdf copy ng executive order. Salamat po.

ATAS TAGAPAGPAGANAP BLG. 25 T. 2022
PAGTATAAS NG ALERT LEVEL 3 SA BAYAN NG BALIWAG

SAPAGKAT, alinsunod sa Kapasiyahan Bilang 155-A T.2022 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang Lalawigan ng Bulacan ay itataas sa Alert Level 3 dahil sa banta at mabilisang paglaganap ng iba’t-ibang uri ng Corona Virus sa bansa;

SAPAGKAT, ang mga munsipalidad ay binigyang kapangyarihan ng mga umiiral na batas upang mag-lunsad ng mga programa at alituntunin na makakatulong sa pangangalaga ng komunidad at makaiwas sa posibleng kapahamakan at pagkawala ng kaayusan;

SAPAGKAT, noong ika-14 ng Disyembre 2021, ang IATF-MEID ay naglabas ng panuntunan sa pambansang pagpapatupad ng Alert Level Systems para sa COVID-19;

KUNG KAYA’T ALINSUNOD SA REKOMENDASYON NG LOCAL INTER-AGENCY TASK FORCE AGAINST COVID-19, AKO SI FEDINAND V. ESTRELLA, PUNONGBAYAN NG PAMAHALAANG BAYAN NG BALIWAG, SA BISA NG KAPANGYARIHANG IPINAGKALOOB SA AKIN NG BATAS, AY NAG AATAS:

SEKSYON 1. ANG ATAS NA ITO AY KIKILALANIN BILANG MGA GABAY AT ALITUNTUNING IPAPATUPAD SA PAGTATAAS NG ALERT LEVEL 3 SA BAYAN NG BALIWAG.

SEKSYON 2. SAKLAW. Nasasaklaw ng atas na ito ang mga mamamayang naninirahan o nagtutungo sa munisipalidad, Baliwagenyo man o hindi, at mga institusyon o establisyimento na nakatindig sa lugar na saklaw ng kapangyarihan ng Lokal na Pamahalaan ng Baliwag.

SEKSYON 3. MGA ESTABLISYIMENTO. Ang mga sumusunod na establisyimento ay kasalukuyang hindi pinahihintulutang magbukas:
a. Mga perya, funfairs at playgrounds;
b. Mga karaoke bars, clubs, tanghalan, at iba pang pinaggagamitan ng mga live voice at wind instruments; at
c. Casinos, horse racing, cockfighting arena;

Ang mga sumusunod na establisyimento naman ay limitado lamang sa Tatlumpung Bahagdang (30%) indoor capacity at Limampung Bahagdang (50%) outdoor capacity para sa bakunadong indibidwal:

a. Mga venue para sa mga meetings, incentives, conferences, and exhibitions (MICE);
b. Mga pinahihintulutang lugar para sa social events tulad ng mga  kasalan, engagement parties, wedding anniversaries, debut at birthday parties, family reunions, and bridal or baby showers;
c. Mga aklatan, archives, museums, galleries, exhibits, parks, plazas, at public gardens.
d. Amusement parks o theme parks;
e. Recreational venues tulad ng internet cafes, billiard halls, amusement arcades, bowling alleys, skating rinks, archery halls, swimming pools, at mga katulad na establisyimento;
f. Cinemas at movie houses;
g. Limitadong face-to-face o in-person classes para sa higher education at technical-vocational education and training;
h. In-person religious gatherings tulad ng necrological services at  burol para sa mga namatay sa ibang dahilan maliban sa COVID-19 ay maaari lamang daluhan ng mga pinakamalapit na kaanak ng namatay at ang pinakamahabang burol ay tatlong araw lamang;
i. Licensure o entrance/qualifying examinations na isasagawa ng mga government agency, at specialty examinations na pinahintulutan ng IATF;
j. Dine-in services in food preparation establishments such as kiosks, commissaries, restaurants, and eateries, subject to DTI sector-specific protocols;
k. Personal care establishments tulad ng barbershops, hair spas, hair salons, and nail spas, and those offering aesthetic/cosmetic services or procedures, make-up services, salons, spas, reflexology at iba pang establisyimento na may pahintulot ng DTI;
l. Fitness studios, gyms, at venues para sa non-contact exercise at sports, ngunit kinakailangan na ang mga indibidwal ay mananatiling naka face masks sa lahat ng pagkakataon at walang group activities na isasagawa;
m. Film, music, at television production na may pahintulot mula sa DTI, DOLE, at DOH.

SEKSYON 4. CURFEW. Ang sinumang mamamayan maliban sa mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR)  ay hindi maaring lumabas sa kani-kanilang mga tahanan mula 10:00 ng gabi hanggang ika-4:00 ng umaga.

Ang mga APOR ay papahintulutan lamang kung sila ay may transaksyon o trabaho sa nasabing oras, kinakailangang ipakita ang identipikasyon (ID) sa checkpoints upang paraanin.

Habang umiiral ang Alert Level 3 sa Baliwag ay hindi rin muna pahihintulutang lumabas at pumunta sa mga pampublikong lugar tulad ng mall, palengke, supermarket at iba pang kauri, ang mga nasa edad Labimpitong taon (17) pababa, bakunado man o hindi.

SEKSYON 5. PAG-INOM NG ALAK SA MGA PAMPUBLIKONG LUGAR.  Mula ika-5 ng Enero, 2022, ang pag-inom ng alak o ano mang nakakalasing na inumin sa mga pampublikong lugar ay panandaliang ipagbabawal sa loob ng Bayan ng Baliwag. Ang mga nasabing inumin ay maaari lamang ikonsumo sa loob ng kani-kanyang mga tahanan, ngunit lubos na ipinagbabawal ang pakikipaginuman sa mga hindi miyembro ng sambahayan.
Ang mga nightclubs, beerhouses, KTV bars at iba pang katulad na establisyimento ay hindi maaaring mag bukas habang nakataas ang Alert Level 3 ayon sa National IATF Guidelines.

SEKSYON. 6. ALTERNATIVE WORK ARRANGEMENT. Ang mga pribadong establisyimento at tanggapan ay hinihikayat na magkaroon ng alternative work arrangement bilang paghahanda kung sakaling may empleyado o kliyenteng makakasalamuha na positibo sa COVID-19. Inaatasan din ang mga nabanggit na magsagawa ng mga programa o alituntunin sa pagpapatupad ng minimum health standards sa kanilang nasasakupan.
Ang Pamahalaang Bayan naman ng Baliwag ay muling ipapatupad ang pangkat A at B kung saan ang dalawang grupo ay hindi maaaring magtagpo sa iisang iskedyul ng pasok upang masiguro ang pagpapatuloy ng serbisyo publiko.

SEKSYON 7. QUARANTINE. Ang mga indibidwal na naexpose sa mga positibo sa COVID-19 na hindi nagkaroon ng sintomas ay kinakailangan paring magquarantine ng Pitong (7) araw para sa mga bakunado at Sampung (10) araw naman para sa mga hindi bakunado.

SEKSYON 8. PAGGAMIT NG I AM SAFE APP. Alinsunod sa mga inilabas na Atas Tagapagpaganap at mga Ordinansa, ang mga establisyimento na hindi gagamit ng I AM SAFE App sa kanilang establisyimento ay pansamantalang ipasasara o babawian ng kapahintulutang magoperate ng Lokal na Pamahalaan.

SEKSYON 9. MGA ISPORTS. Mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang mga contact sports tulad ng basketball at volleyball.

SEKSYON 10. MGA MAGPAPATUPAD. Ang I am Safe Civil Society Group at iba pang deputado ay bibigyan ng citation ticket ng ahensiyang nagtalaga sa grupo bilang awtorisado. Ang mga nabanggit ay bibigyan ng bahagi mula sa multa na aayon sa itatalaga ng Sangguniang Bayan sugon sa nilalaman ng Ordinansa Blg. 4-20. Ang mga organisado at akreditadong organisasyon ay maaaring maging deputado sa pamamagitan ng pagsusumite ng aplikasyon sa Hepe ng Kapulisan ng Baliwag. Ang listahan ng lahat ng deputadong grupo ay isusumite ng Kapulisan sa Tanggapan ng Pambayang Tangapangsiwa upang paabrubahan sa Punongbayan bilang mga deputado. Ang lahat ng awtorisadong grupo ay isasaad bilang appendix ng Atas Tagapagpaganap na ito. Ang lahat ng mga tagapagpatupad ay pagsusuotin ng uniporme at ID para sa pagkakakilanlan.

SEKSYON 11. SUGNAY NG PAGKAKAHIWALAY. Kung, sa anumang kadahilanan, ang anumang bahagi o probisyon ng Atas Tagapagpaganap na ito ay natagpuan na hindi naaayon sa Konstitusyon at iba pang batas, ang iba pang mga bahagi o probisyon nito na hindi apektado ay magpapatuloy.

SEKYON 12. SUGNAY NG PAGWAWALANG BISA AT PAGBABAGO. Ang lahat ng iba pang mga atas, mga patakaran, mga regulasyon o mga bahagi nito na hindi naaayon sa Atas Tagapagpaganap na ito ay pinapawalang-bisa o binabago nang naaayon.

SEKSYON 13. PAGKAKABISANG SUGNAY. Ang Atas Tagapagpaganap na ito ay magkakabisang kagyat at mananatiling may bisa habang nakataas ang Alert Level 3 sa Lalawigan ng Bulacan

NILAGDAAN ngayong ika-04 ng Enero, 2022 sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag, Bulacan.