Baliwag Health Baliwag News Service covid19

Epekto ng Bakuna: Siyam na Kaso at sunod-sunod na Zero Cases ng Covid19

Advertisements

Baliwag – Nakaramdam ng pagbaba ng mga kaso ng Covid19 ang Bayan ng Baliwag na noong kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ay pumalo sa pinakamataas na bilang na umabot sa humigit kumulang 817 na aktibong kaso na naitala noong Setyembre 10, 2021.  Nakaramdam naman tayo ng pagbaba pagkaraan noon at ngayon nga ay umabot na lamang sa siyam na kaso sa buong Baliwag.

Proseso ng Surveillance. Ang Bilang ng mga kaso na naitala sa Bayan ng Baliwag ay iniuulat  ng Public Information Office buhat naman  ito sa pinagsamasamang ulat ng Baliwag Epidemiological Surveillance Unit o BESU. Ang BESU ang kumukolekta at nagbabantay ng mga bagong kasong naitala mula sa mga laboratoryo, tanggapan at ospital na nagsasagawa ng testing sa loob at labas ng Baliwag. Ipinapasa naman ng BESU ang impormasyon sa BCTU o Baliwag Contract Tracing Unit na siya naman tumatawag at nagiimbestiga  kung saan nagpunta o naglagi ang  indibidwal na nahawaan ng Covid19. Isa-isa naman nilang aabisuhan ang mga primary at secondary contacts upang magquarantine at imomonitor hanggang sa gumaling. Ang mga pangalan at impormasyon ng mga idineklarang exposed at under quarantine kasama ang may sakit ay ipinapasa sa BCTU-ICT para itag ang kanilang pangalan upang hindi makapasok sa mga establisyimento kung sakaling magtangka itong pumasok. Sa ngayon ay kulang sa dalawang libo na ang naharang na mga nakaquarantine na nagtangkang pumasok.

Minimum Health Standards. Samantala, nagbabala at nagpaalala naman ang mga eksperto na huwag maging kampante sapagkat sa kasalukuyan ay nakakaranas ng pagtaas ng bilang ng may covid19 sa Europa at Hilagang Amerika dahil na rin ito sa mga pagluwag; hindi pagtupad sa minimum public health standards; at dahil sa hindi pagbabakuna ilang bahagi ng populasyon.

Bakuna para sa 12-17. Patuloy naman ang paghikayat sa mga nasa edad 12-17 na magrehistro at magpabakuna. Ayon naman sa Baliwag Task Force on Vaccination, maaaring magparehistro ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga paaralan lalo na ang mga nasa pampublikong paaralan. Sinabi naman ni Municipal Administrator Enrique Tagle na nagbigay ng direktiba si Mayor Ferdie Estrella ang mga barangay na maghandog ang mga barangay ng libreng sakay sa mga walang pamasahe patungo sa mga vaccination centers at pabalik sa kanilang mga barangay. Samantala, inanunsyo na maaaring magwalk-in sa SM City Vax Centers ang mga residente na may edad 18 pataas na nais pang magpabakuna.