Baliwag News Service cityhood

YES TO BALIWAG CITY! Tuloy na Tuloy na!

Advertisements

Sigurado nang aarangkada ang cityhood ng Baliwag matapos magpahayag ng suporta si Bulacan 2nd District Gavini “Apol” Pancho sa pagpupulong na dinaluhan din ni Mayor Ferdie Estrella, at ilang opisyal sa House of Representatives kamakailan.

Dahil sa pagsang-ayon ng partido nina Estrella at Pancho, natuldukan na rin ang ispekulasyon patungkol sa posibleng paglalaban ng dalawa sa susunod na halalan.

Ayon kay Cong. Noel Villanueva ng Ikatlong Distrito ng Tarlac at Chairman ng House Committee on Local Government, ang komite na didinig sa kalunsuran, nakatakda ang makasaysayang pagdinig para sa kalunsuran ng Baliwag sa Agosto 25, 2021.

Ang pagkakasundo ng dalawang panig ay nagbibigay puwang upang amyendahan ang House Bill 7362 na may pamagat na “An act converting the Municipality of Baliwag into a component city of the Province of Bulacan to be known as Baliwag City, na naunang inihain nina Cong. Paolo Duterte at Cong. Eric Go Yap ng ACT CIS Partylist noong Agosto ng nakaraang taon.

Samantala, malaki ang naging partisipasyon ng negosyanteng si G. Bong Pineda ng Pampanga, Bulacan 3rd District Congresswoman Lorna Silverio at Cong. Noel Villanueva para pagkaisahin ang damdamin ng dalawang opisyal na taga Baliwag, upang umusad na ang pagdinig at maipapasa ang batas para sa kalunsuran ng Baliwag.

Matatandaan na ang kalunsuran ng Baliwag ay isinulong ni Mayor Ferdie matapos na makamit nito ang dalawa sa tatlong mahahalagang pamantayan – populasyon at kita. Nagtala ang Bayan ng Baliwag ng 168,732 (150,000 law requirement) na indibidwal sa nakaraang 2020 Census of Population and Housing samantalang ang kita ay pumalo sa mahigit sa 220M at 258M o may katumbas na halaga na 103M ar 118M (100M deflated using year 2000 constant prices) noong 2018 at 2019.

Ani Mayor Ferdie, ang pagsuporta ni Cong. Apol ay mahalaga para sa mga Baliwagenyos lalo na ngayon upang higit na mapabilis pa ang ating pagbangon at pagsulong ng progreso ng ating bayan.

Nagpasalamat si Mayor Ferdie Estrella sa mga pribadong tao at mga kongresistang tumulong upang maisulong ang kalunsuran ng Baliwag.

Nagpahayag naman ng pagkakaisa at pagtutulungan ang dalawang kampo para sa kaunlaran ng Baliwag.####