Suspek sa ilang holdapan sa dalawang bayan ng Bulacan, arestado sa Baliwag!

Advertisements

Iniharap ng PNP-Baliwag kay Mayor Ferdie Estrella ang kanilang nadakip na isang robbery-holdup suspek, na diumano’y nambibiktima ng mga babae sa labas ng mga mall sa dalawang bayan ng Bulacan, isang araw matapos maiulat ang nasabing krimen.

Kinilala ni PLtCol. Jayson San Pedro, hepe ng PNP-Baliwag, ang suspek na si Naldy Adriano Guinto, 52 taong gulang, negosyante at residente ng Pulilan, Bulacan.

Nitong Hunyo 17, nambiktima ang suspek ng isang babae na itinago sa pangalan na “Kat-Kat” sa parking lot ng SM City Baliwag. Ayon sa kwento ng biktima, katatapos lamang niyang mamili at pagkasakay nito sa kaniyang kotse ay sinundan agad siya ng suspek, tinutukan ng baril, at kinuha lahat ng kaniyang gamit pati ang kaniyang pera.

Agad naman na humingi ng tulong ang biktima sa mga awtoridad upang maaksyunan ang nasabing insidente.

Sa pakikipag-ugnayan ng Baliwag PNP sa PNP Plaridel at Pulilan, nadakip si Guinto sa parking lot ng WalterMart Plaridel, dahil nakita ang kaparehas na sasakyan na ginamit sa SM City Baliwag Robbery Incident. Personal naman na kinumpirma ng biktima na ang nahuling driver ng sasakyan ay ang mismong suspek sa nasabing pagnanakaw.

Ayon sa police report, modus operandi ni Guinto ang diumano’y pumupwesto siya sa mga mall gamit ang isang Xpander. Dito ay maghihintay siya ng mga babaeng katatapos lamang mamili o mag-grocery at sasabayan pumasok sa kanilang mga sasakyan, tututukan ng baril at sila ay pag-wiwithdrawhin ng pera.

Dagdag pa nila, nabalitaan din ng kanilang tanggapan na may ganitong klase ng krimen ang naganap sa WalterMart Plaridel noong Hunyo 5.

Binati naman ni Mayor Ferdie ang PNP sa kanilang matagumpay na paghuli sa suspek. Ayon sa punongbayan, nang malaman niya ang nangyaring insidente ay pinamanmanan niyang ito mabuti sa kapulisan dahil hindi niya hahayaan na may mga ganitong klase ng krimen sa Baliwag. Dagdag pa niya, layunin niya bilang alkalde na mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa kaniyang bayan.

Hinihikayat din naman ng pulisya ang lahat ng mga nabiktima ni Guinto na magtungo sa kanilang tanggapan upang pormal na magsampa ng kaso habang kasalukuyang iniimbestigahan ng awtoridad ang suspek.

###