ECQ Ayuda kada pamilya, inihatid sa lahat ng kabahayan sa Baliwag

Advertisements

BALIWAG, Bulacan- Halos 40,000 pamilya sa bayang ito ang tumanggap ng ayuda mula sa P123 Milyong pondong inilaan ng Pamahalaang Nasyonal, upang makatulong sa mga indibidwal na apektado ng pagdedeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 29 hanggang Abril 11, kabilang ang mga naging benepisyaryo ng Social Amelioration Programs 1 and 2.

Ito ay pauna lamang dahil inihayag ni Mayor Ferdie Estrella na lahat ng pamilya sa Baliwag ay mabibigyan ng ayuda, anuman ang estado nila sa buhay. Naniniwala si Estrella na lahat ay naapektuhan ng muling pagsasailalim ng National IATF sa ECQ sa mga lungsod ng NCR at mga karatig lalawigan kabilang ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na bahagi na tinaguriang NCR+ Bubble.

Ayon kay Estrella, ang ayuda ay ipinamahagi sa pamamagitan ng house-to-house o pagbabahay-bahay ng binuong pay-out teams ng Munisipyo. Ang aktwal na bilang ng pamilya ay ayon sa naitala sa Baliwag Pagbangon Census 2021 na ginawa noong Pebrero hanggang Marso, taong kasalukuyan.

Ipinagmamalaki ni Estrella, na dahil sa local census na inisyatibo ng Pamahalaang Bayan, nagkaroon ng maayos at tiyak na basehan sa datos ng pamilyang naninirahan sa Baliwag, kaya mabilis na nakapagdesisyon ang pamunuan na bigyan na ang lahat ng pamilya. Gagamitin din ang mga nalikom na datos sa iba pang programang ipapatupad ng Baliwag sa hinaharap.

Sa nasabing census, naitala ang 46,103 bilang ng pamilyang nakatira sa Baliwag nitong Marso 2021. Ang pondong ibinaba ng Pamahalaang Nasyonal ay naipamahagi lamang sa 39,214 pamilya, base sa ulat na na-generate sa Baliwag Household Information Management System. Ito ay isang system na dinisenyo ng Municipal Information Communication and Technology Office para sa tagging ng mga tumanggap ng ayuda base sa census.

Dahil dito, nagkaisa ang mga opisyal na isulong ang paglalaan ng karagdagang pondo mula sa General Fund ng Baliwag na sinang-ayunan ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng Kapasyahan Bilang 37- “Isang kapasyahang bayan ng paglilipat pondo ng bawat opisina na may kabuuang halagang P13,671,000.00 na gagamitin upang bigyang ayuda ang mga mamamayan na apektado ng Enhanced Community Quarantine sa bayan ng Baliwag.”

Bunsod ng resolusyon para sa karagdagang pondong inilaan ng lokal na Pamahalaang Baliwag, umarangkada na rin ang house-to-house pay-out sa mga natitirang barangay kabilang ang Pagala at Makinabang. Samantala, naliquidate na ang pondo mula sa nasyonal, base sa itinakdang deadline noong Mayo 15.

Ayon pa rin kay Mayor Estrella, ang mga naka-apila o humabol na indibidwal, base sa ulat ng mga Barangay Grievance Desk na binuo para sa ayuda, ay pag-aaralan din, at kung mapapatunayan na eligible sila na makatanggap ng ayuda, ay hindi mag-a-atubili ang Pamahalaang Bayan na isama sila sa mga bibigyan ng ayuda.

Kada pamilyang Baliwagenyo ay tumanggap mula P1,000 ngunit hindi tataas sa P4,000 na itinakdang ceiling, ayon sa guidelines ng national government.

###