Dalawang bagong access roads, pinasinayaan sa Baliwag

Advertisements

BALIWAG, Bulacan- Bilang katuparan sa mga gawaing pang-imprastruktura na ipinangako ni Mayor Ferdie Estrella, binuksan na ang dalawang bagong access roads para maging alternatibong daan sa mga motorista sa bayang ito.

Sa pangunguna ni Mayor Ferdie , kasama si DILG Provincial Director Darwin David, mga Konsehal ng bayan- Atty. Buko Dela Cruz, Dingdong Nicolas, Willy Lapira, at Tony Patawaran, pinasinayaan noong ika-19 ng Mayo ang Sto.Cristo-Bagong Nayon-Pagala Access Road na isang parallel road sa tinaguriang EDSA ng Baliwag, ang BS Aquino Avenue.

Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng DILG sa pamamagitan ng Local Government Support Fund- Assistance to Disdavantaged Municipalities (LGSF-ADM) 2017- Core Local Access Road sa Barangay Sto. Cristo at Bagong Nayon. Ito ay nagkakahalaga ng P13 Milyon.

Sinundan ito ng Local Bridge Construction sa Barangay Pagala, mula pa rin sa LGSF-ADM 2020, at nagkakahalaga ng P8.9 Milyon.

Bagamat pandemya, masayang inihayag ni Mayor Ferdie na maaari nang daanan ng mga papasok sa bayan ng Baliwag, at palabas sa DRT highway kung manggagaling sa loob ng bayan, ang nasabing access road na may lapad na 12 metro at habang 550 metro. Ito rin ay may apat na lanes.

Aniya, malaking ginhawa ito sa mga motorista para maiwasan ang build-up ng mga sasakyan dahil sa maraming establisyemento at negosyong nag-ooperate sa kahabaan ng BS Aquino.

Noong 2018, sa isinagawang ebalwasyon ng DILG sa mga proyektong pinondohan ng LGSF-ADM, pinuri ang naturang daan sa Baliwag, dahil sa mga economic opportunities na maaari nitong buksan sa lugar na dinaanan ng bagong gawang kalsada. Anila, dahil malapad, at istratehiko ang lokasyon ng access road, magbibigay-daan ito para buhayin ang mga lupang hindi mapakinabangan noong mga nakaraang taon.

Samantala, binuksan na rin ang access road sa Barangay Piel na pangunahing pakikinabangan ng higit 200 pamilyang nakatira sa pabahay na Francoville at Starville, mga proyektong pabahay ng mag-ama, si dating Mayor Romy, at Mayor Ferdie, katuwang ang samahang Gawad Kalinga at ANCOP-Canada.

Sa malapit na hinaharap, makatutulong din ang daang ito sa kabuuang site development sa Barangay Piel, kung saan pinag-aaralan na itayo ang Baliwag Sports Complex.

###