Mural painting alay para sa mga frontliners, tampok sa Baliwag

Advertisements
Photo by: Baliwag Web TV

Bilang pagkilala sa kabayanihan, pinasinayaan ngayong araw ng Miyerkules, Setyembre 30 sa Baliwag, sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella, kasama sina Konsehal Lowell tagle at ilang miyembro ng Guhit Pinas-Bulacan, ang mural painting na alay para sa lahat ng frontliners, na patuloy na nakikipaglaban sa gitna ng pandemya.

Photo by: Baliwag Web TV

Para kay Mayor Estrella, malaki ang kaniyang paghanga at pag respeto sa lahat ng mga frontliners, dahil hindi biro ang kanilang pagod at sakripisyo, upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.

Lubos din pinasalamatan ng punongbayan ang kaniyang matalik na kaibigan na si Joel Miranda o mas kilala bilang Boss J. Ayon sa kaniya, si Boss J ang nag-alaga sa kaniya noong nagpositibo siya sa COVID-19 at tumulong upang mas mapabilis din ang kaniyang paggaling mula sa nabanggit na sakit.

Dagdag pa ng punongbayan, handog din nya ang proyektong ito sa bayan ng Baliwag ngayong buwan ng kaniyang kaarawan.

Photo by: Baliwag Web TV

Ang obra ay inilikha ng mga Baliwagenyong alagad ng sining na kasapi ng Guhit Pinas-Bulacan na sina Mc Clen Talento, Ralz Jerome Taberao at Lawrence Victorino.

Photo by: Baliwag Web TV

Hango ang nasabing mural sa isa nang naunang likha ni Talento na pinamagatang “Sana Bukas Pagmulat ng ating Mata” na ginamit din bilang poster para sa Araw ng Kalayaan at Linggo ng Wika. Ngunit sa pagkakataon na ito, inilapat nila sa mas malaking pader na may taas na 8 metro at lapad na 14 na metro ang kanyang nasabing obra. Ilang elemento din ang nadagdag dito, kasama na ang mga katagang, “Maraming Salamat” na isinulat sa baybayin.

Photo by: Baliwag Web TV

Kinilala din ng punongbayan ang mga pintor ng nasabing mural, bilang pasasalamat sa kanilang kamangha-manghang obra na matatagpuan sa Baliwag Climate Change Center.

###