Learning Modules, iba pang ayuda para sa public students, libreng ipamamahagi sa Baliwag

Advertisements

Magandang balita ang ipinaabot ni Mayor Ferdie Estrella sa mga magulang ng pampublikong mag-aaral mula elementarya hanggang junior high school dito sa Baliwag, dahil sa bagong sistema ng pag-aaral sa panahon ng global pandemic, sasagutin na ng Pamahalaang Pambayan ng Baliwag ang mga gamit na kinakailangan para makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga bata na walang access sa makabagong teknolohiya sa kanilang mga bahay.

Ayon kay Mayor Ferdie, sasagutin na ng munisipyo ang printing para sa modules na indibidwal na ipamimigay sa mga mag-aaral.

Nilalaman ng nasabing module ang mga leksyon na pag-aaralan ng mga estudyante para sa kanilang mga asignatura, na may 1:1 ratio ng module sa mag-aaral na nakapaloob sa isang customized module bags na libre ring ipapamahagi sa mga mag-aaral.

Bukod dito, palalakasin din ang libreng wifi connection sa 27 barangays at sa mga school zone para sa mga mag-aaral na gagamit ng synchronous learning sa pamamagitan ng online classes.

Dagdag pa ng punongbayan, magbibigay din ang lokal na pamahalaan ng mga internet vouchers na magagamit ng mga mag-aaral sa mga matutukoy na partner internet shops, para sa online learning at pagreresearch ng mga bata, habang mahigpit na ipinatutupad ang minimum health standards.

Nasa P3.7 Milyon ang kabuuang halaga ng printed modules na ipagkakaloob sa mga pampublikong mag-aaral sa Baliwag.

Dahil sa COVID-19, nagkaroon ng malaking pagbabago ang tradisyunal na face-to-face na pag-aaral sa Pilipinas. Sa ilalim ng Learning Continuity Plan ng Department of Education, nakapaloob ang mga Learning Delivery Modes na gagamitin sa panahon ngayon gaya ng online learning, self-learning modules, TV at radio sa pag-aaral ng mga estudyante. Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng na nabanggit na sakit habang wala pang bakuna at gamot na naiimbento para rito.

Magiging available ang mga printed materials na maaaring gamitin ng mga mag-aaral bago ang pagsisimula ng klase sa bagong iskedyul nito sa Oktubre 5. Ito ay ipapamahagi sa bawat barangay base sa iskedyul na itatakda ng DepEd Baliwag.

###