Ilang Residente ng Baliwag, umalma sa modus ng 5 Pulis Candaba

Advertisements

Humingi ng tulong kamakailan ang anim na residente ng Baliwag sa Tanggapan ng Punongbayan, Mayor Ferdie Estrella kaugnay sa diumano’y reklamong robbery extortion at abduction na kinasasangkutan ng limang Candaba Police.

Sa police blotter na nakuha sa Baliwag PNP station, tinukoy ang mga nirereklamo na sinaPCPT Michael Ray Bernardo, PSSg Cliford Fega, PCpl John Turqueza, PCpl Khris Carlo Celso at Pat Roel Chan.

Ayon sa mga dumulog kay Mayor Ferdie, nangyari ang diumano’y pang-aabuso sa kapangyrihan ng mga nasabing naka-uniporme sa iba’t ibang okasyon at barangay sa Baliwag noong mga buwan ng Marso, Abril at Hulyo, taong kasalukuyan.

Sa parehong ulat ng Baliwag PNP, kinilala ang mga nabiktima na sina Ronald Dan De Guzman, James Polintan, Leopoldo Angeles Sanguyo, Dennis Domingo y Tecson, Jayson Lim Dela Merced at Juan Carlo Pili Martin, mga residente sa bayang ito. 

Sa kwento ng mga biktima, lumabas na pare-pareho silang nakaranas ng pagdakip o abduction  ng Intel Operatives of Candaba Municipal Police Station sa iba’t ibang lugar sa Baliwag. Bukod dito,  hiningan diumano sila ng malaking halaga  kapalit ng kanilang kalayaan.

Bagamat takot ang mga biktima sa kanilang dinanas, hindi umano sila nagpasindak sa tangkang pangingikil o extortion, subalit sila ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, RA 11332 Non Cooperation of Notifiable Diseases at RA 10591 Illegal Possession of Firearms and ammunition.

Agad namang ipinag-utos ni Mayor Ferdie sa Baliwag PNP na isecure ang mga kuha ng CCTV sa mga lugar na tinukoy ng mga biktima upang magamit na ebidenysa laban sa mga inirereklamong pulis Candaba.

Ayon kay Estrella, hindi kailanman dapat naabuso ng mga nasa kapangyarihan ang mga sibilyan dahil taliwas ito sa sinumpaan nilang tungkulin na protektahan ang mga mamamayan, at magpatupad ng katahimikan at kaayusan.

Nangyari ang mga insidente sa panahon na ipinatutupad ang community quarantine bunsod ng kinakaharap na global pandemic na COVID-19.

Sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa Baliwag PNP, napag-alaman na ang mga inirereklamong pulis ay may mga nakabinbing reklamo sa Napolcom at  PNP Iternal Affairs Service. 

Ni-relieve na rin sila sa kanilang police assignment sa  bayan ng Candaba.

###