Baliwag, nagpatupad ng Digital Quarantine Pass

Advertisements

Imbis na mag-imprenta ng panibagong quarantine pass, ipinatutupad sa Baliwag ngayong panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Digital Quarantine Pass na naka-kabit sa hi-tech na IAMSAFE Web App na dinevelop ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag noong unang ipinatupad ang lockdown.

Sa pamamagitan ng unique QR Code na ibinibigay sa lahat ng nagrehistro sa nasabing application, mabilis na nai-tag ng Baliwag Municipal Information Communication and Technology Office (MICTO) ang mga awtorisadong lumabas kada tahanan, kung kaya pag punta nila sa establisyemento gaya ng palengke at grocery stores na gumagamit na rin ng IamSafe QR scanner, madaling natutukoy kung sila ay pinapayagang lumabas o hindi ayon sa ipinatutupad na alituntunin ng Baliwag IATF.

Sa Utos Tagapagpaganap Blg. 29 na inilabas ni Mayor Ferdie Estrella noong ika-3 ng Agosto, isinasaad sa Seksyon 3. Clustering at Quarantine Pass, “ang bawat tahanan ay magkakaroon ng isang (1) kinatawan na pahihintulutang makabili ng kanilang mga pangangailangan sa mga araw na itinakda para sa kanilang Barangay. Ang listahan ng mga pangalan na may pahintulot na lumabas sa bawat bahay ay isusumite ng bawat barangay sa Baliwag Municipal ICT Office, na siyang magiging basehan ng tagging na isasagawa ng nasabing tanggapan.

Upang maiwasan ang pagbugso at pagkukumpulan ng mga mamamayan sa iba’t-ibang establisyimento, mahigpit na ipapatupad ang clustering sa Pamilihang Bayan, mga talipapa (Concepcion, San Jose, Sagrada Familia, Sta. Barbara, Tiaong, Ron-Ron atbp.) at mga supermarkets.

Ang IAMSAFE web application ay ginawa para sa mabilis na contact tracing sa bayan ng Baliwag.

Ipinatupad sa Baliwag ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang maiwasan ang manual registration sa mga pampublikong lugar at commercial establishments, kung kaya isinulong ang mas mabilis at accurate na pagtukoy sa mga indibidwal na maaaring nakasama ng isang nagpositibo sa COVID-19.

Gamit ang IAMSAFE Web App, mabilis na nakapag-gegenerate ng report para sa contact tracing na sinisimulan sa nakalipas na 14 araw bago lumabas ang resulta sa swab test ng isang COVID patient.

Sa nasabing system, isang pindot lang ay makikita na agad ang mga tao na nakasabayan ng positive patient sa isang lugar, at dahil sa impormasyon na kanilang inirehistro sa kanilang IAMSAFE account, sila ay madaling maiaalert o matatawagan ng Contact Tracing Team para sa angkop na payong medikal.

Ayon Kay Mayor Ferdie, umaabot na sa 173,491 ang individual users ng IAMSAFE QR Code.

Ang automated registration gamit ang QR scanner ay ginagamit na rin sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Baliwag, mga simbahan ng iba’t ibang relihiyon, palengke, supermarkets at iba pang commercial establishments na may walk-in clients.

####