Tatlong lugar sa Baliwag, isinailalim sa lockdown

Advertisements

Tatlong lugar sa tatlong barangay sa Baliwag ang isinailalim sa localized lockdown matapos maitala ang mga bagong kaso ng COVID-19 noong nakaraang linggo.

Sa bisa ng Baliwag Executive Order (EO) No. 27 na inilabas ng Tanggapan ng Punongbayan, idineklara ang lockdown sa mga natukoy na “critical areas” kabilang dito ang bahagi ng lugar sa Libis, Brgy. Poblacion, isang compound sa Calderon St., Brgy. Subic at isang bahagi ng lugar sa Zone 5 ng Brgy. Tangos.

Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, dahil sa naka-aalarma na pagtaas ng positive cases sa Baliwag, napagdesisyunan ng buong Baliwag IATF na magsagawa ng lockdown sa tatlong lugar na nabanggit, para maiwasan ang maaaring paglaganap ng virus sa bayan.

Paglilinaw ni Mayor Estrella, ang isinagawang lockdown ay pansamantala lamang at hindi lalagpas sa 14 araw. Binigyan diin ng punongbayan, na hinihintay na lang ang RT PCR TEST results ng mga nakasalamuha o “close contact” ng mga nag positibong pasyente, upang matalakay ng Baliwag-IAFT ang susunod na nararapat na hakbang ukol dito.

Tiniyak din naman ng alkalde na may sapat na suplay ng pagkain ang may 17 pamilya na apektado ng lockdown, matapos magpamahagi ng food packs na naglalaman ng kalahating kabang bigas, mga delata, kape, gatas, biscuit at hygiene kit ang Pamahalaang Bayan, dalawang araw matapos ideklara ang lockdown.

Inilabas na rin ng Baliwag Public Information Office (PIO) nitong nakaraang linggo ang detalyadong impormasyon ukol sa mga Baliwagenyong naging positibo sa nabanggit na sakit para sa kaalaman ng lahat. Pinaalalahanan din ng pamahalaan ang bawat isa na iwasan ang anumang uri ng diskrimansyon lalo na sa mga pasyente at front-liners.

Lubos naman ang pasasalamat ng ilang mga mamamayan sa desisyon na inilabas ng lokal na pamahalaan. Anila, malaking bagay ang gagawing lockdown at pagbibigay ng tamang impormasyon sa mamamayan para sa kanilang pag-iingat laban sa banta ng COVID-19 sa bansa.

###