New Normal sa Pagsamba, tinalakay sa pulong sa Baliwag

Advertisements

Pormal na tinipon ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga religious pastors sa Baliwag, upang talakayin ang paghahanda na kanilang ginagawa sa kani-kanilang mga simbahan sa ilalim na tinatawag na “New Normal” nitong nakaraang Huwebes.

Layunin ng nasabing pagpupulong na mapag-usapang mabuti ang mga ipatutupad na minimum health and safety protocols at paggamit ng IAMSAFE application ng mga simbahan laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Matatandaan na pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Diseases ang ilang uri ng mga pagtitipon sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Kinakailangan lamang na masunod ang 2-meter physical distancing, pagsusuot ng face masks o face shields, may thermal scanning at hand sanitation, at higit sa lahat, limitasyon sa dami ng papasok sa loob ng simbahan.

Para kay Pastor Rey Cruz, pangulo ng Baliuag Christian Ministers Council, malaki ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan sa kanilang pagpayag na buksan na ang mga simbahan para sa mga mananampalataya.

Binigyan diin niya, na sisiguraduhin ng bawat Kristiyanong simbahan sa Baliwag na sila ay tatalima sa panuntunan at regulasyon na itinakda ng pamahalaan.

Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, bagamat isinailalim na ang buong Bulacan sa MGCQ ay hindi ito nangangahulugan na magsawalang-bahala na ang mga residente sa bantang dala ng COVID-19.

Kaya naman pinaalalahanan ni Mayor Estrella ang mga mamamayan, na doblehin ang kanilang pag-iingat kung sila ay man ay lalabas at dadalo sa mga gawaing pang simbahan.

###