191 Baliwag jeepney drivers, nagpasalamat sa ayudang natanggap

Advertisements

Nagpapasalamat ang 191 miyembro ng Baliwag Jeepney Operators and Drivers Association (JODA) sa tig P1,000 ayudang natanggap mula sa lokal na pamahalaan nitong linggo, na bahagi ng financial assistance na isinulong ni Mayor Ferdie Estrella sa ilalim ng programang “Todo TODA/JODA ang Serbisyong May Malasakit”.

Para sa mga apektadong tsuper, malaking bagay para sa kanila ang natanggap na ayuda dahil ito ay magagamit nila pantustos para sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang ayuda sa JODA ay karagdagan sa naunang ayuda na naipamigay sa may 5,500 lehitimong TODA members sa Baliwag. Sila ay tumanggap din ng tig-P1,000.

Ayon kay Mayor Estrella, mahalaga na mabigyang pansin ang mga tricycle at jeepney drivers, sapagkat sila ay pansamantalang nawalan din ng trabaho at lubos na naapektuhan noong lockdown.

“Umabot sa 5, 691 na mga tsuper ng Baliwag ang makatatangap ng tulong kaya naman naglaan ng mahigit P5.6 milyong pondo ang LGU Baliwag para dito,” ayon sa punongbayan.

Matatandaan na noong isinailalim ang buong Luzon sa ECQ, ipinatigil muna ang operasyon ng lahat ng mga pampublikong transportasyon, nang mapigilan ang paglabas ng mga tao upang makaiwas sa COVID-19.

Noong nailagay ang Baliwag sa GCQ, pinayagan na ang mga TODA na muling makabiyahe subalit mahigpit na ipinatutupad ang paglulan ng isang pasahero lamang kada biyahe.

Ang mga jeep naman ay nag-aantabay ng permiso mula sa LTFRB para muling makabiyahe sa rutang Angat (via Bustos), San Miguel (via San Rafael at San Idefonso) at Meycauayan (via Pulilan, Plaridel, Guiguinto, Balagtas, Bocaue at Marilao).

Ganunpaman, sa konsultasyon ni Mayor Ferdie kamakailan sa mga driver ng PUJs, nagkaroon na ng simulation sa mga terminal kaugnay ng pagsakay ng mga pasahero, gayundin sa mga ipapatupad na minimum health standard gaya ng paglalagay ng plastic barrier para sa paglulan ng 50 porsyento na maximum capacity ng mga pampublikong jeep sa panahon ng community quarantine.

###