#KwentongMayMalasakit: Malasakit para sa Baliwagenyo

Advertisements

Ayon sa mga eksperto, ang pundasyon daw ng kagandahang loob ay binubuo ng kultura ng malasakit, pakikipagkapwa tao at malinis na kalooban.

Bagamat nahaharap ang ating bansa sa isang krisis, nangingibabaw pa rin ang mga nabanggit na pundasyon ng kagandahang loob sa mga Baliwagenyo.

Bilang patunay, narito ang ilan sa mga #KwentongMayMalasakit ngayong nakasailalalim ang ating bayan sa extended Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Gaya na lang ng isang grupo ng LGBTQ community o mas kilala sa tawag na #TeamBarbie. Binubuo ito ng mga magkakaibigang sina Jerome San Juan, Jed Victorino, Sherwin Jimenez, Jerome Castro, Marian Sandoval, Tristan Dale Agapito, Alma Marquez at Shaira Palconit.

Layunin nila na makapagpasaya ng mga bata sa simpleng paraan, gaya ng pagbibigay ng libreng meryenda gaya ng biskwit. Dagdag pa nila, sa ganitong paraan ay mas matutuunan ng mga magulang ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas at ulam.

Ang kanilang grupo din ay nagsimulang mamahagi noong April 5 at nakalikom na ng 880 packs ng biskwit para mga bata at 150 food packs para sa ating mga front-liners sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Baliwag.

Inilunsad din ng LGBTQ Community-Baliwag ang proyektong #SaGIFTkaBEKI, sa pamumuno ni Aljon Santos at Lhet Lhet Baluyot Velasquez, kasama ang kanilang mga miyembro, na boluntaryong nagpamahagi ng mga relief goods at food packs na kanilang nilikom para sa mga Baliwagenyo.

Hindi rin nagpahuli si Joseph Arroyo at ang kaniyang grupo na tinawag na #TropangMayMalasakit, na nagpamigay ng 450 packs ng gulay, mga food packs para sa mga front-liners at relief goods para sa mga mamamayan ng Baliwag.

Nagpamahagi rin ng tulong ang mag-asawang sina Obet at Deng, katuwang ang Team Halcon ’94, sa pamamagitan ng kanilang proyektong #DiaperOnWheels.

Ayon sa kanila, layunin ng proyektong ito na makapaghatid ng libreng diaper at biskwit sa iba’t ibang barangay ng Baliwag, upang kahit papano ay makatulong sa mga kababayan na higit na nangangailangan.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga frontliners ng Brgy. Piel sa food packs na kanilang natanggap galing sa hindi nagpakilalang mag-asawa.

Ngunit napag-alaman din na ang mag-asawang nasa likod ng kawang gawang ito ay sina Leska Sta Rita at Romel Sta Rita na tubong Brgy. Piel din.

Sa halip na magdiwang ng kaniyang kaarawan, mas minabuti ni Mach Pleno na magbahagi ng malasakit sa kaniyang mga kapwa.

Katunayan, siya ay nagpamigay ng libreng face mask, alcohol at foods packs para sa mga higit na nangangailangan na Baliwagenyo.

Para naman sa IV-Excellence Batch 2014 ng Baliuag University, sila ay naglunsad din ng kanilang sariling proyekto na pinamagatang #AngBagKo2020.

Layunin ng nasabing proyekto na makatulong sa lahat ng mga front-liners at vulnerable sectors, bilang kanilang ambag sa krisis na kinahaharap ng bansa ngayon.

Umabot sa 100 Personal Protective Equipment (PPE) at 190 food packs ang kanilang napamigay noong April 18.

Lubos din ang kanilang pasasalamat sa lahat ng kanilang mga guro at iba pang mga nagbigay ng kanilang donasyon upang maisakatuparan ang nabanggit na proyekto.

Dalawang Baliwagenyos naman ang nagpakita ng katapatan sa pagsasauli ng ayudang natanggap nila mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD.

Ito ay sina Frederick Florencio ng Brgy. Tibag at Akimi Sta. Juana ng Brgy. Bagong Nayon.

Ayon sa kanila, bagamat malaking tulong ang SAP ay naniniwala sila na mas marami pa ring mga Baliwagenyo ang higit na nangangailangan nito kaysa sa kanila.

Si Florencio ay isang security guard sa Baliwag District Hospital. Samantalang, si Sta. Juana ay isang empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag.

Labis ang pasasalamat ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa lahat ng mga Baliwagenyong patuloy na ipinakikita ang kulturang bayanihan at malasakit sa oras ng pangangailangan.

Ikinararangal namin kayo! Sama-sama kaya nating malapagsan ang COVID-19.

###