Advertisements

Kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-27 taon ng kanilang pagkakatatag ay masayang nagsama-sama ang mga miyembro ng Baliwag Federation of Senior Citizens Association noong ika-5 ng Marso taong kasalukuyan sa Baliwag Star Arena.

Buong suporta ang ibinuhos ni Mayor Ferdie upang maisakatuparan ang pagtitipon na ito para sa mga Baliwagenyong may edad na upang sila ay mabigyan ng isang espesyal na araw ng pagsasaya, pagsasayaw, kainan at iba pang aktibidad na magpapasigla sa kanila. “Actually itong event na ito na Kasama Kang Tumanda, ay dapat noong Pebrero pa natin ginanap, dahil Valentines Treat natin ito sa ating mga batang-batang senior citizens, kaso dala na din ng ating pagi-iingat sa NCOV outbreak noong nakaraang buwan ay ating napagpasyahan na ito ay ilipat sa buwan ng Marso sapagkat higit sa ano pa man ay mas ating pinapahalagahan ang kapakanan ng ating mga Lolo at Lola”  wika ni Mayor Ferdie sa isang panayam.

Siksik ang mga aktibidad sa pagtitipong ito kung saan nag-uwi ng mga papremyo, regalo at pagkilala ang mga Lolo at Lolang hataw sa sayawan at kabog ang kasuotan. Bago matapos ang pagtitipon ay ginawaran ng parangal ang mga Lolo at Lola na OOTD Queen, OOTD King, Hataw King at Hataw Queen.

OOTD King and Queen
Hataw King and Queen

Sinamantala din ni Mayor Ferdie ang pagkakataon upang mas maipaliwanag sa mga Lolo at Lola ang mga usapin patungkol sa pagiging lungsod ng bayan ng Baliwag. Kanyang inilahad sa mga ito ang mga mabubuting dulot ng pagiging city ng Baliwag at kanya ring nilinaw ang ilang maling haka-haka tungkol sa pagiging lungsod katulad ng pagtaas ng krimen, kung saan kanyang binigyang diin kapag ang Baliwag ay isa ng lungsod, mas tataas agn bilang ng kapulisan kung kaya’t mas lalong magkakaroon ng proteksyon ang mga mamayan.

Kanya ring nilinaw na hindi tataas ang buwis kung ang Baliwag ay maging lungsod sapagkat ang pagtataas ng buwis ay nasasaad naman talaga sa Saligang Batas maging ang isang lungsod man o bayan. Ilang usapin pa ang kanyang nilinaw patungkol sa Cityhood katulad ng karagdagang pampublikong pasilidad, karagdagang pondo ng gobyerno, karagdagang libreng serbisyo para sa bawat Baliwagenyo at marami pang iba.

Approve na approve naman sa mga lolo at lola ang pagiging lungsod ng bayan ng Baliwag. Ayon sa kanila, ang pagiging lungsod ng Baliwag ay nararapat lamang at napapanahon na, hindi man para sa kanila kung hindi para sa kanilang mga anak at apo na paniguradong makikinabang ng mga benepisyong kaakibat nito.

Baliwag Federation of Senior Citizen Association – YES na YES to Baliwag CITY