Cong Apol kay Mayor Ferdie: “Suportado ko ang Cityhood Basta Yes ang mga Baliwagenyo!”

Advertisements

Matapos ang mahabang paghihintay, nagkaisa na si Mayor Ferdie Estrella at Congressman Apol Pancho sa pamamagitan ng isang pagpupulong, upang talakayin ang pagsusulong ng Yes! to Baliwag City! sa Kongreso. Naganap ang  nasabing pagpupulong sa tahanan ni Cong. Apol noong Biyernes, Enero 31, 2020. Dumalo din sa pulong ang kapatid ng kongresista at kaniyang Chief of Staff, Ditseng Tina Pancho. Kasama naman ni Mayor Estrella kasama si Municipal Administrator Enrique V. Tagle.

Nagsimula namang ipaliwanag ni Mayor Ferdie ang mga isyung mahahalaga tulad ng qualification ng Baliwag. Ani Mayor Ferdie: “ang ating income at populasyon ng Baliwag ay sapat na para ito ay maging ganap ng isang lungsod. Iyan naman ay nacertify na ng Bureau of Local Government Finance at Philippine Statistics Authority.”

Ayon sa punongbayan, kapag naging siyudad na ang Baliwag ay taongbayan ay tunay na makikinabang dito, dahil sila ang “ultimate beneficiaries”. Dagdag pa niya, pag naging Baliwag City na, mas maraming gawaing imprastruktura ang maipagagawa para sa kaayusan at kaginhawahan ng mga mamamayan, mas magiging masigla ang ekonomiya, at mas maraming trabaho ang malilikha dahil dito.

Pinabulaanan din ni Mayor Ferdie ang mga haka-haka patungkol sa tax, pagtaas ng presyo ng bilihin at malalang peace and order situation. Aniya, “kahit ang munisipyo ay pwedeng magtaas ng tax, kailangan lang natin dito ay ang Internal Revenue Alotment mula sa pamahalaang nasyunal. Bilang component city ay nasa ilalim pa din tayo ng superbisyon ng kapitolyo. Ang pagtataas naman ng bilihin ay dikta ng merkado at mas mapapanitili ang maayos na mga komunidad dahil madaragdagan ang bilang ng kapulisan dahil ang mga lungsod ay may minimum na isang daan.”

Para naman kay Kongresman Pancho, mahalagang mapag-aralan mabuti ang pagsusulong ng cityhood ng isang bayan, para sa kapakanan ng mga mamamayan. Ngunit nangako naman siya, na makaaasa si Mayor Ferdie at ang mga Baliwagenyo sa kaniyang pagtulong at buong pagbibigay ng suporta upang maikasa ito sa kamara.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pangangampanya ng alkalde sa bawat barangay ng Baliwag, upang maipaliwanag ang kahalagahan at mga benepisyo ng pagiging siyudad ng isang bayan.

Nakatakdang magpulong ulit ang dalawa para mapagusapan ang iba pang detalye ukol sa kalunsuran ng Baliwag at nakahanda namang dumalo sa lahat ng mga forum upang  mapulsuhan ni Cong Apol ang mga Baliwagenyo.

###

Advertisements