Cityhood Myths: Pagtataas ng Buwis at Presyo ng Bilihin

Advertisements

Ang pinakamadaling panakot sa tao sa tuwing may kahilingan ang isang bayan na maging lungsod ay una, buwis at ikalawa, presyo ng bilihin. Ito ay bahagi ng miseducation at misinformation ng mga tumututol sa cityhood. Ang kombersyon ng isang munisipalidad patungo sa isang lungsod ay batay sa itinakdang pamantayan ng gumawa ng batas na ito. Nais ng may akda ng batas na ito na bigyan ng pamantayan ang pagsasalungsod ng isang bayan upang maiwasan ang pagsasabatas ng kalunsuran base sa impluwensiya at hubad na kapangyarihan lamang. Pero hindi dapat katakutan ang pag angat ng isang bayan patungo sa kalunsuran. Ginagawa ito hindi makapagtaas ng tax ang isang bayan. Ang pag-angat sa kalunsuran ay masasabing mekanismo ng pamahalaan upang tulungan ang mga munisipyong may malaking responsibilidad at malaki ang potensiyal pang lumago bilang stratehikong lugar pang negosyo. Hindi lamang ito tungkol sa tax dahil maging ang mga munisipyo katulad ng lungsod at probinsiya ay maaring magtaas ng buwis. Kung gayon ay wala palang dahilan na magpaconvert pa ang isang munisipalidad kung tax lang ang dahilan.

Local Government Taxation

Lahat nga ng bayan, lungsod at probinsya ay maaaring magpataw ng buwis batay sa Local Government Code of 1991. Ayon din dito, ang mga lokal na pamahalaan ay hindi maari naman na magtaas ng higit sa 10% at kada limang taon lamang. Ang isang component city na nakapaloob sa isang probinsiya ay hindi naman maaaring magtaas ng higit sa kalahati ng ipinapataw ng probinsiya at hindi din maaaring magpataw ng buwis sa amilyar ng higit sa ipinapataw ng probinsiya.

Amilyar

Ang amilyar o real property tax ay buwis sa mga pagaaaring hindi natitinag tulad ng lupa. Ang lupa ay naka uri base sa gamit nito: agricultural, residential, commercial at industrial. Ang isang bahay na naging paupahan ay dapat na palitan ng uri nito mula residential ay magiging commercial. Kasama din sa amilyar ay mga improvements katulad ng building, bahay at iba pang pribadong istruktura. Ang mga makina din ay kasamang binabayaran.

Ang mga munisipyo katulad ng Baliwag ay kahati ang probinsiya at barangay mula sa sinisingil nito. Sa lalawigan ng Bulacan ay may dalawang porsyiento na buwis sa amilyar. Ang 1% ay pinaghahatian ng tatlong unit 40% sa munisipyo; 35% sa probinsiya at 25% sa barangay. Ang natitirang ‘1% ay para naman sa School Education Fund na ginagamit ng mga pampublikong paaralan at pinaghahatian ng local school board 50% at provincial school board 50%

Kaya’t halimbawa, kung ang nasisingil na amilyar ay 100 milyon, ang kalahati na 50 milyon ay napupunta sa school education fund. 25million sa Baliwag School Board at 25 milyon sa Provincial School Board. Ang natitirang kalahati ay paghaatian naman ng probinsiya 17.5 million (35%), munisipyo 20 million (40%) at barangay 12.5 million (25%)

Ang isang component city ay binibigyan ng luwag pang pinansiyal ng batas kaya’t hindi na ito nagreremit o nagbabayad sa probinsiya ng share nito. Ang 50 million ay pinaghahatian na lamang ng city 70% o 35million at barangay 30% o 15 million. Hindi na nireremit sa Provincial School Board ang share.nito kaya’t napupunta ang buong 50 million sa School Education Fund na nasa pangangalaga naman ng Local School Board.

Component City vs Independent City

Ang Baliwag ay naghahangad lamang na maging isang component city. Ibig sabihin wala halos itong pagkakaiba sa pagiging bayan lalo na sa sistemang pulitikal. Dahil ang isang component city ay nasa ilalim at superbisyon pa din ng Pamahalaang Panlalawigan. Lahat nga ng mga isasabatas nito ay dadaan pa din sa Sangguniang Panlalawigan. Bumoboto pa din ang mga residente ng isang component city ng gobernador hanggang bokal. Ang pinagkaiba lamang ay ang pagbibigay laya ng probinsiya sa isang lungsod na kolektahin nito ang mga buwis na dati rati ay kinokolekta lamang ng probinsiya. Ito ay tulad ng franchise tax, printing, amusement tax, sand and gravel, professional tax, at annual fixed tax on delivery tax. Ang amilyar naman ay 70% sa lungsod at 30% sa barangay.

Business Permit

Business Permit ang pinakabuhay ng isang lokal na pamahalaan. Halos ito lamang ang pinagkukunan ng pondo ng isang bayan. Mayroong dalawang klase ng sinisingil ang sa Business Permit: 1. Local Tax at 2. Regulatory Fees. Ang mga clinics, accounting firms, law firm offices at iba pang professional consulting firms ay dapat kumuha ng Business Permit. Ang gross sales na iuulat ay para sa kita mula sa practice outside of profession at regulatory fees o mga gastusin ng lokal na pamahalaan sa surveillance at iba pang pagseserbisyo tulad ng basura. Bukod sa business permit, IRA o internal Revenue Alotment o pondong mula sa bahagi ng isang bayan mula sa kita ng bansa. Dahil alam ng pamahalaang nasyunal na lumalaki ang pangangailangan ng mga lungsod o magiging lungsod  kaya’t mas mataas ang bahagi na ibinibigay sa mga lungsod.

Halos doble na agad ang itaas nito at hindi na kailangan pang magtaas ng buwis na ipapataw dito. Ang probinsiya naman ay nagtataas ng valuation ng lupa kada tatlong taon. Kung kaya’t akala natin ay pagtataas ito ng buwis kahit na value o halaga ng lupa at iba pang ari-ariang hindi natitinag maliban sa machineries na bumaba dahil sa depreciation. Fake news nga na maituturing ang balita na tumaas ang buwis

Samantala, ang isang independent city naman ay para na nga din isang probinsiya pero nasa teritoryo ito ng isang probinsiya. Halimbawa ay ang Cebu City na nasa probinisya ng Cebu o kaya naman ay Baguio City na nasa Probinsiya ng Benguet. Ang isang independent city ay hindi na nga humahalal ng gobernardor hanggang bokal. Ito ay naghahalal lamang ng punong lungsod at pangalawang punong lungsod at mga konsehal base sa dami ng konsehal na dapat ihalal katumbas ng representasyon nito.

Republic Act 9009

Ayon nga sa Republic Act 9009 o may pamagat na Amending Section 450 of the Local Government Code of the Philippines, upang maging lungsod ang isang bayan ay dapat nitong maabot ang tatlong pamantayan. Una, kita ng bayan o katumbas sa 100 million piso sa halaga ng pera noong taong 2000. Ikalawa, populasyon o may katumbas na 150,000 katao at ikatlo, lupa na may katumbas na hindi bababa sa 100km². Ang dahilan kung bakit iyan ang itinakda ay simple. Dahil, alam ng pamahalaang nasyunal na, hindi makakayanan ng isang bayan na matugunan ang mga pangangailangan ng isang bayan na may malawak na aktibidad sa ekonomiya nito na pinatunayan ng laki ng kita nito. Halimbawa, ang isang siyudad ay binibigyan ng alokasyon ng pamahalaang nasyunal ng hindi bababa sa 100 pulis upang mabantayan nito ang mga establisyimento. Katulad na lamang ng Baliwag na mayroon lamang 45 pulis ngunit may 4,000 establisyimento. Mas marami pa nga ang financial institutions sa Baliwag kumpara sa pulis.

Kita ng bayan nga ang pinakamahalaga sa tatlong requirements na itinakda dahil pagpapakita lamang nito ng kahandaan ng Bayan ng Baliwag na mapangalagaan nito ang sariling kita nito

POPULASYON

Maari din ibase sa dami ng taong nakatira dito. Mas maraming tao, mas maraming kailangang imprastraktura, social protection services; at kawaning kailangan para sa paghahatid serbisyo.

SUKAT NG LUPA

Ikatlong konsiderasyon ang lawak ng nasasakupan. Paano maaalagaan ng isang bayan ang kabuuang lawak nito kung kapos ito sa mga yaman upang matugunan ang mgùproblema nito.

Hindi Tax Kung Hindi IRA

Ang Internal Revenue allotment ay ang bahagi ng kita o parte ng yaman ng isang bayan buhat sa nasyunal na pamahalaan. Ngunit iba ang pinagkukunang bahagi ng para sa mga lungsod at iba rin ang para sa mga munisipalidad. 37% ng IRA ay hinati sa 1,450 munisiplidad ss buong bansa. 23% naman ng hahatiin para sa 146 na lungsod. Mas kakaunti ang mga lungsod kaya’t mas marami ang nailalaan sa mga siyudad.

Ang IRA ang dahilan kung bakit tumatataas ang kita mg bayan. At kung bakit nakakayanan na makapag palawak pa ng mga tanggapan at serbisyo ay dahil nay pondong gagamitin HINDI DAHIL sa TUMAAS ANG TAX KUNG HINDI SA PONDONG INILAAN NG PAMAHALAANG NASYUNAL PARA SA MGA LUNGSOD.

Bukod pa sa mga koleksyon ng isang munisipyo na kahati ang probinsya tulad ng sa amilyar na 40 percent lamang ang para sa munisipyo, 35% sa probinsiya at 25% sa barangay. May iba pang buwis na ibinabayad ang manamayan na sa probinsiya at lungsod lamang ang may karapatan na kumulekta. Halimbawa nga ay franchise tax o buwis ng mga kumpanya sa kuryente, tubig, telekom, internet broadband at radyo.  Mayroon din amusement tax o buwis na nakukuha sa panonood ng show o ng sine. Ang iba pa ay ang tax on printing press at delivery van. Ang school education fund ay hindi na din mahahati kung hindi ito ay buong mapupunta sa Local School Board upang gamitin ng mga paaralan sa Baliwag kasama ang mga public high schools.

Kaya’t bukod sa Internal Revenue Alotment o ang parte ng isang bayan, lungsod, probinsiya at barangay sa yaman at kita ng bayan ay madadagdag din ang mga kita na sa batas ay probinsiya lamang ang maaaring maningil o may bahagi sa kita ang probinsiya.

Tinuturuan nga ang mga mauunlad na bayan ng kalayaang pinansiyal at ng higit nitong mabanat ang potensiyal pang umunlad ayon sa natural nitong pagkilos at pananaw ng mga lider nito, mga sektor at mamamayan.

Hindi rin dapat na isiksik sa kaisipan ng mga tao na tataas ang tax kung magiging city na ang Baliwag dahil ito ay mali. Mas malaki nga ang pagkakataon na ang mga bayan na may masigasig na lokal na ekonomiya na hindi nakakatanggap ng mas malaking ayuda mula sa pamahalaang nasyunal na magtaas ng buwis para pagtagpuin nito ang kita at malaking gastusin ng lokal na pamahalaan.

Wala ring relasyon ang presyo ng bilihin sa pagsisiyudad – merkado pa din ang nagdidikta sa presyo pati na din ang halaga sa paggawa nito.

Posible nga na maging overcrowded tayo kung city na tayo. Pero overcrowded na din naman ang Baliwag sa ngayon sa dami ng nagnenegosyo, namimili at nag-aaral. Magiging pabor nga ang pagdami sa mga negosyante dahil mas maraming pwedeng mamili at gumamit ng ating serbisyo. Pero problema ang pagbibigay seguridad sa ganitong karaming establisyimento lalo na at mas marami pa ang banko sa alokasyon natin sa pulis.

Bilang panghuli, hindi mahirap pag-aralan ang bentahe at hindi kapaburan sa pagiging isang lungsod. Hindi mahirap pag-aralan na ito na talaga ang kailangan ng bayan. Kaya nga’t nagpapakamatay ang lahat ng mga  bayan na maging lungsod dahil sa itataas ng ayuda ng pamahalaang nasyunal. Ito ang susi sa higit pang pag-unlad ng isang bayan. Kung matatandaan ay may labing-pitong bayan kamakailan na naging lungsod matapos na magsampa ng demanda ang League of Cities of the Philippines  dahil hindi naman kwalipikado ang mga bayan na iyon. Halos nagdepende lamang ito at nagbaka sakali hanggang sa nakakita sila ng pamamaraang legal matapos nilang kwestyunin na bago pa man tumaas ang income requirement ay nag sumite na sila at inihain sa kamara ang kanilang kalunsuran. Dati rati nga ay 20 million lamang amg income requirement hanggang sa itaas ito sa 100 million gamit ang presyo o halaga ng pera taon 2000. Ibig sabihin, tinataya ang anumang kita na mayroon ang isang bayan at saka kinukuha ang halaga ng pera na iyan  noong taon 2000.

Mismong ang mga batikang ekonomista ng bansa na naging Pangulo ng Pilipinas at naging kinatawan ng Lubao, Pampanga ay naghain ng cityhood para sa Lubao at si Cong. Joey Salceda na isa pang mahusay na ekonomista ay naghain sa kamara ng kalunsuran para sa Daraga, Albay.

Ang Santo Tomas, Batangas ay kakapanalo lang nito sa plebisito at isa na ngang ganap na lungsod. Ito ang unang naging lungsod sa panahon ni Pangulong Duterte. Ito ay isinulong sa Mababang Kapulungan ni Kongresista Ma. Theresa Collantes.