Baliwag News Service

Hustisya, sigaw ng pamilya ng pinaslang na kapitan sa Baliwag; pabuya itinaas na sa 1M

Advertisements

Patuloy na umaapila ng hustisya ang pamilya ni Kap. Ronaldo “Lupa” Rivera ng Brgy. San Jose, Baliwag, Bulacan na pinatay nitong tanghali Lunes, ika-09 ng Setyembre. 

Ayon sa pamilya ni Kapitan Rivera, labis ang kanilang hinagpis sa sinapit ng kanilang padre de pamilya, na dapat sana ay magdiriwang ng kaniyang ika-49 na kaarawan ngayong ika-15 ng Setyembre.

Lubos din na ikinalulungkot ni Mayor Ferdie V. Estrella ang sinapit ng kaniyang malapit na kaibigan, kumpare at kapwa lingkod-bayan na kaniyang katuwang sa pagbibigay ng Serbisyong May Malasakit para sa lahat ng mga Baliwagenyos. 

Ayon sa punongbayan, hindi niya hahayaang manumbalik ang karahasan sa Baliwag, kaya naman gagamitin ang buong pwersa at lakas ng lokal na pamahalaan upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Rivera.

Para naman mas mapabilis ang paghahanap sa mga suspek, mula P750,000, umabot na ng P1,000,000 ang alok na pabuya ni Mayor Ferdie para sa makakapagturo sa mga taong nasa likod ng pagpasalang sa kapitan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP)-Baliwag, nakatakda sanang maghatid ng buhangin sa tahanan ni Kap. Ariel Cabingao sa Brgy. Tarcan si Kap Lupa, nang siya ay tinambangan ng dalawang (2) armadong lalaki at walang habas na pinagbababaril sa loob ng kaniyang truck. Siya ay nagtamo ng apat (4) na tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay. 

Ayon din sa PNP-Baliwag, mayroon na silang lead at mukha ng mga suspek kaya naman handa na nila ipakita at ilabas ito sa publiko anumang araw.

Bumuhos naman ang pakikiramay ng mga malalapit na kaibigan at mga Baliwagenyos na nakakakilala kay Kap. Rivera. Ayon sa kanila,  nasa ikalawang termino na si Kap Lupa, tunay na maaasahan at isang napakabuting lingkod-bayan ang yumaong kapitan. 

Nakatakdang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Kap Lupa sa darating na Martes, ika-17 ng Martes. Dahil sa insidente, kaniyang naiwan ang kaniyang asawa na si Kapitana Imelda Rivera at dalawang anak na sina Sunshine at Ron, isang seaman, at kahapon lang umuwi mula ibang bansa. 

###

Advertisements