Baliwag News Service

Higit kalahating milyon, alok na pabuya para sa ikalulutas ng pagpaslang sa kapitan sa Baliwag

Advertisements

Mula P300,000 kahapon, umabot na ng P750,000 ang alok na pabuya ni Mayor Ferdie V. Estrella para sa makapagtuturo sa mga taong nasa likod ng pagpaslang sa kapitan ng Brgy. San Jose, Baliwag, Bulacan na si Kap. Ronaldo “Lupa” Rivera.

Ayon sa official Facebook post ni Mayor Ferdie, labis niyang ikinalulungkot ang biglaang pagpanaw ng kaniyang malapit na kaibigan, kumpare at kapwa lingkod-bayan na kaniyang katuwang sa pagbibigay ng Serbisyong May Malasakit para sa lahat ng mga Baliwagenyos.

 

Dagdag pa ng punongbayan, hindi niya hahayaang mamayani ang kultura ng karahasan sa Baliwag, kaya naman gagamitin ang buong pwersa at lakas ng lokal na pamahalaan upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Kap. Lupa.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP)-Baliwag, nakatakda sanang maghatid ng buhangin sa tahanan ni Kap. Ariel Cabingao sa Brgy. Tarcan si Kap Lupa, nang siya ay tinambangan ng dalawang (2) armadong lalaki at walang walang habas na pinagbababaril sa loob ng kaniyang truck. Nagtamo ng apat (4) na tama ng bala sa katawan ang kapitan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay. 

Bumuhos naman ang pakikiramay ng mga malalapit na kaibigan at mga Baliwagenyos na nakakakilala kay Kap. Rivera. Ayon sa kanila, bagamat nasa kaniyang huling termino na ay tunay na maaasahan at isang napakabuting lingkod-bayan ang yumaong kapitan. 

Nakatakda sanang magdiwang si Kap. Rivera ng kaniyang ika-49 na kaarawan ngayong ika-15 ng Setyembre. Dahil din sa insidente, kaniyang naiwan ang kaniyang asawa na si Kapitana Imelda Rivera at dalawang anak na sina Ron at Sunshine.

Advertisements