Baliwag News Service

Kauna-unahang Eco-Brick Hub Facility sa Baliwag, pinasinayaan na!

Advertisements

Pinangunahan ni Mayor Ferdie V. Estrella, katuwang ang Green Antz Builders at Nestle Philippines, Inc., ang pagpapasinaya sa itinayong bagong Eco-Brick Hub Facility nitong Lunes, ika-08 ng Hulyo, 2019 sa Brgy. Subic, Baliwag, Bulacan.

Ang Eco-Brick Hub Facility ay isang pasilidad kung saan lahat ng mga maiipon na plastic sa Baliwag ay dadalhin dito, upang gawing isang eco-brick.

Ang eco-brick ay kumbinasyon ng semento at dinurog na 100 piraso ng plastic laminates o sachets, kung saan mas matibay ito dahil compressed at mas malamig kumpara sa mga ordinaryong hollow blocks dahil sa insulating property nito.

Malaki naman ang pasasalamat ng Pangulo at CEO ng Green Antz Builders na si Rommel Benig, sa pagsuporta at pagtangkilik ng Baliwag sa kanilang imbensyon na maka-kalikasan. Ayon kay Benig, hangad niya na sa pamamagitan nito ay mas maraming mga Baliwagenyo ang tumulong sa pag-sesegregate ng mga basura, lalong-lalo na sa mga plastic upang madala sa bagong tayong gusali, magawa bilang isang eco-brick at maiwasan na ang polusyon.

Nagbigay din ng mensahe si Corporate Affairs Executive Christine Ponce-Garcia ng Nestle Philippines, Inc., bilang isa sila sa unang sumuporta sa proyektong ito ng Green Antz Builder. Ayon kay Ponce-Garcia, siya rin ay nagagalak sa bagong tayong pasilidad sa bayan ng Baliwag, sapagkat isa sa kanilang pangarap ay magkaroon ng isang waste free future at masolusyonan ang problema sa plastic para sa isang maayos at magandang kapaligiran.

Lubos naman na ipinagmalaki ni Mayor Ferdie ang nasabing proyekto. Aniya, sa pagsisimula ng No Segregation, No Collection Policy ng Baliwag noong ika-28 ng Hunyo, hangad niya na sumunod lahat ng mga Baliwagenyo upang magtuloy-tuloy na mapangalagaan kapaligiran at maprotektahan ang kalikasan. Ayon pa sa punongbayan, ang mga magagawang eco-bricks ay gagamitin bilang pavers o mga latag na bato sa daan sa harapan ng munisipyo, mga sidewalks, sa paggawa ng Materials Recycling Facility (MRF) at marami pang ibang imprastraktura, bilang pagpapatunay na ito ay matibay ay totoong mapakikinabangan.

Dumalo rin sa pagpapasinaya ang ilang mga konsehal, kapitan at mga kagawad ng Brgy. Subic, at mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), upang magpakita ng kanilang pagsuporta dito.

Pangungunahan ng Green Cooperative ang pagpapatakbo ng Eco-Brick Hub Facility katuwang ang MENRO-Baliwag, para sa isang maayos at mabilis na operasyon.

###

Advertisements