Baliwag News Service

Modernong ICT Laboratories ng Baliwag North at South Central Schools, magagamit na!

Mapalad ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan ngayong taon dahil magagamit na nila ang modernong ICT Laboratories na pinaayos at dinagdagan ng Lokal ng Pamahalaan ng Baliwag sa pangunguna ni Mayor Ferdie.

Binisita kamakailan ni Mayor Ferdie ang Information Communication Technology (ICT) room o computer laboratory room ng Baliwag North at South Central. Isinulong niya ang pagsasaayos upang mas makasabay ang lahat ng mga bata sa makabagong teknolohiya at ng mas lumawak pa ang kanilang kaalaman sa pag-aaral.

Sa pamamagitan ng pondong nilaan para sa proyketong ito ay pinalitan ang mga lumang equipment ng ICT Rooms, na-upgrade ang speed internet connection ng computer lab, naglagay ng 2 horsepower air conditioning units, at nagtalaga ng mga tagapangasiwa sa nasabing silid. Dagdag pa rito, mula 12 work stations ay naging 20 work stations na ito upang masigurado na makagagamit ang bawat mag-aaral.

Labis naman itong ikinatuwa ng mga magulang, sapagkat ayon sa kanila, mas mapapadali ang akses ng mga bata sa mga impormasyon na makatutulong sa kanilang pag-aaral dahil sa internet at kompyuter habang sila ay ginagabayan ng kanilang mga guro.

Para naman kay Mayor Ferdie, mahalaga na magkaroon ng isang mas maayos at mas magandang computer laboratory room ang mga estudyante upang sila ay maginhawaan at upang mas mapadali ang kanilang pagkalap ng mga impormasyon na magagamit nila sa kanilang pag-aaral. Naniniwala rin siya na sa wastong paggamit ng teknolohiya ay malaki ang maitutulong nito sa mga mag-aaral at mas epektibong maibabahagi ng mga guro ang kanilang mga leksyon sa tulong ng Internet.

###

Advertisements