Baliwag News Service

Bagong Baliwag SPED Center, binuksan na!

Pinangunahan ni Mayor Ferdie V. Estrella, kasama sina Dr. Agness Bernardo EPS-SPED, mga district supervisors, at mga punongguro ng Baliwag North and South, ang pagpapasinaya sa itinayong SPED o Special Education Center sa Baliwag North Elementary School noong Lunes, ika-17 ng Hunyo, 2019.

Para sa proyektong ito, naglaan ang lokal na pamahalaan ng P3 Milyon, kung saan P2 Milyon ay ginamit para sa gusali na may tatlong silid aralan, isang tanggapan, at waiting area para sa mga magulang na nagbabantay habang ang P1 Milyon ay ipinambili ng mga kagamitan para sa mga SPED learners.

Dahil dito, abot naman ang pasasalamat at kasiyahan ng mga guro at magulang sa nasabing proyekto. Anila, ramdam nila ang importansya at malasakit na ibinibigay ng punongbayan para sa mga batang may espesyal na pangangailangan at siniguro nilang marami pa ang matutulungan at makikinabang sa bagong gusaling itatayo sa kanilang paaralan. Dagdag pa ng mga punongguro, mas maraming mga magulang ngayon ang nagkaroon ng interes sa Baliwag SPED Center dahil sa libreng pangangalaga at mas maayos na pasilidad.

Ayon kay Mayor Ferdie, layon niya na maisaayos ang paaralan, mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga batang may espesyal na pangangailangan at hindi dapat maging hadlang ang kanilang sitwasyon para sila ay makapag-aral nang maayos at matupad ang kanilang mga pangarap.

Matatandaan na taong 2004 nang unang naitatag ang Special Education Program ng Baliwag North Elementary School. Noong nakaraang taon, nagkaroon ng groundbreaking upang maitayo ang modernong SPED Center noong nakaraang taon na pinangunahan din ni Mayor Ferdie.

At sa kasalukuyan ay mayroon ng 183 special education learners ang nag-aaral sa ilalim ng programa. Kabilang sa mga batang natuturuan at natutulungan ay ang mga batang may visual at hearing impairment, autism, cerebral palsy, down syndrome, ADHD, speech disorder at iba pang health related problem.

###

Advertisements