Baliwag News Service

Bagong Baliwag Lying-In Clinic, binuksan na!

Advertisements

Balik operasyon ang Baliwag Lying In Clinic matapos pasinayaan ang bagong tayong gusali noong ika-17 ng Hunyo, bilang katuparan sa pangarap ng Administrasyong Estrella na mabigyan ng isang malinis, maayos at magandang lying-in clinic ang mga Baliwagenyos na bukas 24/7.

Ang Baliwag Lying-In Clinic, na matatagpuan mismo sa likod ng Munisipyo ng Baliwag, ay nakahandang magbigay ng libreng pre-natal check up, panganganak, post-natal care at newborn care para sa mga magiging nanay na Baliwagenyos.

Kasama ni Mayor Ferdie sa pagpapasinaya ang kanyang maybahay, Mayora Jonnah na buntis sa kanilang ikalawang anak, gayundin sina Municipal Administrator Eric Tagle, Konsehal Joel Pascual, Dr. Mary Joan Dinlasan, ilang mga kapitan at kawani ng Municipal Health Office (MHO) sa nasabing aktibidad.

Ayon kay Dr. Dinlasan, bagamat ang nasabing lying-in clinic ay pampublikong gusali, sinisigurado naman ng Pamahalaang Lokal na ito ay maayos, ligtas at may sapat na pasilidad at kagamitan. Aniya, ito ay para sa mga nanay na nais magtungo dito upang magpakonsulta at manganak.

Para naman kay Mayor Ferdie, labis niyang ikinatuwa ang pagbubukas ng bagong lying-in clinic sa Baliwag, sapagkat mahalaga na masigurado ang kalusugan ng mga bagong silang na sanggol at ang kalusugan ng kanilang ina. Dagdag pa niya, mahalaga ang proyektong ito sa kaniya dahil isa sa kaniyang mga pangunahing isinusulong ay ang programang pangkalusugan para sa mga Baliwagenyo.

Ipinagmamalaki rin ni Mayor Ferdie na ang bagong lying in ay pasado sa standard accreditation ng DOH at Philhealth.

###

Advertisements