Baliwag News Service

Mga bagong Bayani ng Barangay, kinilala at pinarangalan!

Advertisements

Bilang bahagi ng taon-taong pagdiriwang ng Buntal Festival, apat (4) na Baliwagenyo ang kinilala bilang bagong Bayani ng Barangay ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag, dahil sa kanilang kabutihan ng kalooban at pagmamalasakit sa kapwa nitong nakaraang Miyerkules, ika-29 ng Mayo, 2019 sa Star Arena, Brgy. Pagala.

Unang pinarangalan si Bb. Cynthia Mendoza, isang guro mula sa Brgy. Calantipay. Siya ang nagsilbing pangalawang magulang at naging gabay ni Rommel Santos, na nag viral noon dahil sa kaniyang pagsisikap mag-aral habang inaalagaan ang kapatid na may kapansanan sa loob ng silid-aralan.

Sumunod na ginawaran sina Daniel Nunez at Jayvil Oboza. Sila ang dalawang skater boy na nag-viral din noon dahil sa kanilang pagtulong sa isang matandang lalaki na nahilo habang ito ay mag-isang naglalakad sa Heroes Park. Inusisa nila ang nararamdaman ng matanda, nag-alok ng tulong, ibinili ng tubig na maiinom at inihatid nila ito sa sakayan.

Panghuli ay si Ramjet Olid, isang batang vendor mula sa Brgy. Subic. Sa murang edad ay nahubog na ang isipan at paninindigan sa paggawa ng tama. Siya ay nagtitinda ng iba’t ibang klase ng candy sa isang harap ng establisyemento sa Baliwag upang maka-ipon ng pambaon niya pagpasok sa eskwela at pantulong sa ina na may karamdaman.

Buong puso naman silang pinagmalaki at pinasalamatan ni Mayor Ferdie dahil sa kanilang hindi matatawarang kabutihan, kagandahang asal at pagmamalasakit sa kapwa.

Kasabay nito ay muling nagsasama-sama ang mga opisyal ng barangay at mga kasamahan sa paglilingkod mula sa 27 barangay ng Baliwag para sa “Araw ng Barangay”.

Isinasagawa ang nasabing selebrasyon bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mga opisyal ng barangay bilang katuwang ng Pamahalaang Bayan sa paglilingkod at paghahatid ng Serbisyong May Malasakit para sa bawat Baliwagenyo.

Tampok din sa okasyon na ito ang muling paglulunsad ng Baliwag Barangay BIDA (Best Innovations/Innovators for Development Awards) o ang pagkilala at paggawad sa mga natatanging Barangay Officials/Workers at mga Barangay Programs na tunay na mahusay at angat sa lahat.

###

Advertisements