Baliwag, Bulacan – Dahil sa pagnanais na masolusyunan ang problema sa pagbabaha sa ilang lugar sa Bayan ng Baliwag, binisit kahapon ni Mayor Ferdie Estrella kasama ang Pambayang Tagapangasiwa Eric Tagle at Pambayang Inhinyero Engr. Romeo Santos ang drainage outfall sa Brgy. Tiaong upang personal niyang makita ang pangangailangan pa upang maidugtong at magkaroon ng maayos na lagusan ng tubig palabas ng bayan. Batay sa topograpiya ng Baliwag, ang mga barangay ng Concepcion, Virgen delas Flores at Santo Cristo ay higit na mababa sa Brgy Pagala kung kaya’t ang tubig mula dito ay lalabas papuntang ilog Angat sa Brgy. Tiaong na higit na mas mababa.
Sinimulan ni Cong. Pedro Pancho ang pagsasaayos ng mga drainage canal batay sa Master Drainage Plan 2. Hindi pa ito natatapos at naidudugtong kung kaya’t ang tubig ay naiipon pa sa bahaging ito ng Tumana, Tiaong.
Samantala, sinimulan na ngang gawin ang drainage canal sa kahabaan ng P. Damaso sa Virgen delas Flores upang maidugtong ito sa drainage outfall sa Brgy. Tiaong.