Baliwag News Service

MAYOR FERDIE ESTRELLA, MULING INIHALAL BILANG PUNONGBAYAN NG BALIWAG!

Baliwag, Bulacan – Iprinoklama na ng itinilagang Municipal Board of Canvasser (MBC) ng Commission on Elections (Comelec) si re-electionist Mayor Ferdie V. Estrella bilang Punongbayan matapos ang naganap na midterm elections nitong Lunes, Mayo 13, 2019. Muling nahalal para sa kaniyang ikalawang magkasunod na termino si Mayor Ferdie na nakakuha ng 50,910 na boto laban sa kanyang katunggali na si Dr. Carol Dellosa na mayroon lamang 29,010 na boto.

Maituturing na landslide victory ang naging resulta ng botohan sa pagkakuha ni Mayor Ferdie ng 62% na boto o mahigit sa kalahati mula sa kabuuang 82,294 boto sa buong munisipalidad. Ito ay isang magandang patunay sa tiwala at kumpiyansa ng kaniyang mga kababayan sa kalidad ng kaniyang serbisyo at pamamahala.

Kaugnay nito, marami rin ang nagpahayag ng kanilang pagkatuwa at pagpupunyagi sa naging resulta ng halalan at pagkapanalo ni Mayor Ferdie sa pamamagitan ng mga pagbati at post sa social media. Tunay ngang nanaig ang boses at paninindigan ng mga Baliwagenyo na naghahangad para sa tuloy-tuloy na Serbisyong May Malasakit ng kasalukuyang Punongbayan.

Sa kaniyang naging panayam, ipinahayag ni Mayor Ferdie ang lubos na kasiyahan at nagpahatid ng taos-pusong pasasalamat sa bawat Baliwagenyo na muling nagtiwala at sumuporta sa kanya para sa panibagong yugto ng paglilingkod. Nangako rin si Mayor Ferdie na ipagpapatuloy ang magandang nasimulan sa bayan at higit pang pag-iibayuhin ang paghahatid ng serbisyo publiko para sa mas ikauunlad ng lahat ng mamamayan ng Baliwag.

Kasama rin sa mga ipinroklama ngayong araw si Vice Mayor Cris Clemente, kasama ang mga bagong Konsehal na bubuo sa Sangguniang Bayan ng Baliwag na sina Madette Quimpo, Atty. Enrique “Buko” dela Cruz, Dingdong Nicolas, Mabel Pascual, Willy Lapira, Lowell Tagle, Tony Patawaran, at Rodrigo Baltazar.

 

Advertisements