Baliwag News Service

BALIWAG LGU, ISO 9001:2015 CERTIFIED NA!

Advertisements

Isang tagumpay na naman ang maipagmamalaki ng mga Baliwagenyo matapos mairekomenda ng mga auditors mula sa TÜV Rheinland ang Pamahalaang Bayan ng Baliwag para magkaroon ng sertipikasyon bilang isang Certified ISO 9001:2015 na organisasyon.

Kapag sinabing Certified ISO 9001:2015 ang isang organisasyon, sinisiguradong nakabase ang mga proseso nito sa pandaigdigang pamantayan o international standards para sa quality management system na nakabatay sa prinsipyo ng tuloy-tuloy na pagpapabuti sa mga sistema upang matiyak na mataas na kalidad lamang ng serbisyo o produkto ang naihahatid sa mga kliyente.

Batay din sa resulta ng ginawang pagsusuri at inspeksyon ng pribadong audit firm na TÜV Rheinland, lumabas na may epektibong sistema ng pamamalakad ang Pamahalaang Bayan na nakasunod sa mga itinakdang polisiya at layunin. Bukod dito ay naaabot ng bawat tanggapan ang mga nakatakdang target o gawain habang napapanatili ang kalidad at mataas na pamantayan sa paghahatid ng serbisyo.

Sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella at bilang pagtupad sa kaniyang ipinangakong mahusay na pamamahala, sinikap ng lahat ng mga opisina na makamit ang sertipikasyon at pagkilalang ito upang mas maisaayos ang sistema ng mga tanggapan, at masigurong mas epektibo ang paglilingkod para sa bawat Baliwagenyo.

Advertisements