Baliwag News Service

FORMER MAYOR LANDO SALVADOR, ININDORSO ANG PARTIDO ESTRELLA-PASCUAL

Pormal nang inindorso ni dating Punongbayan Lando Salvador si Mayor Ferdie Estrella kasama ang kaniyang buong tiket sa Team Estrella-Pascual sa ginanap na programa sa Isla sa the Greenery, Brgy. Sabang nitong nakaraang Sabado, Abril 13, 2019 na dinaluhan din ng mga dati at kasalukuyang Kapitan ng Barangay.

Sa kaniyang naging pahayag, nabanggit ng dating Punongbayan na malaki ang paniniwala niya sa panunungkulan ni Mayor Ferdie kung kaya’t suportado niya ang mga programa at adbokasiya na isinusulong ng kanilang partido para sa patuloy na pag-asenso ng bayan ng Baliwag.

Bilang dating Punongbayan ay napabilib din siya sa magandang pamamalakad ni Mayor Ferdie, at sa tulong ng mga kasamahan sa konseho ay tiwala siya na patuloy pa nilang maiaangat ang kalidad ng paghahatid serbisyo sa mga Baliwagenyo.

Dagdag pa niya na maganda na ang kasalukuyang tinatahak ng Baliwag kung kaya’t hindi na dapat maudlot pa ang tuloy-tuloy na progreso ng bayan. Masaya rin siya na nakikita ang mahusay at maayos na pamumuno ng administrasyong Estrella kung kaya’t hindi siya nag-atubili na ibigay ang kaniyang pagsuporta rito at sa mga kasamahan para na rin sa mas ikauunlad ng bawat mamamayang Baliwagenyo.

Kasama sa mga inindorso ng dating Punongbayan sina Konsehal Joel Pascual para Vice Mayor at mga tumatakbong Konsehal na sina Cora Agustin, Ogie Baltazar, Edwin Bautista, Atty. Buko Dela Cruz, Bien Gonzales, Dingdong Nicolas, Tony Patawaran, at Lowell Tagle.

Ayon sa mga political observers ng Baliwag, malaking tulong ang pagsasanib pwersa ng dalawang kilalang lider ng Baliwag sa boto na makukuha ni Mayor Ferdie. Anila, siguradong maidadagdag sa inaasahang boto ni Mayor Ferdie ang mga kilalang grupong kaalyado ni Salvador gaya ng Yellow Star, Mare, at iba pa. Tiyak ding makikinabang ang buong Team Estrella-Pascual sa pag-endorsong ito.

Advertisements