Baliwag News Service

Mayor Ferdie, grand slam Most Outstanding Mayor of the Philippines!

Advertisements

Sa pangatlong pagkakataon ay muling kinilala ang galing, husay at dedikasyon ni Mayor Ferdie V. Estrella matapos siyang parangalan bilang Most Outstanding Mayor of the Philippines ng SuperBrand Marketing International, Inc. (SMI) ngayong araw, ika-22 ng Marso, 2019 sa The City Club at Alphaland Makati Place, Makati City.

Ayon sa SMI, ang nabanggit na parangal ay isang pagkilala sa awtoridad at pagiging epektibo ng mga alkalde sa pagsisilbi sa kanilang bayan ng may kakayahan at integridad. Dagdag pa nila, ito ay binibigay lamang sa opisyal ng gobyerno na may malaking kontribusyon sa pagpapaunlad ng bayan at magandang ehemplo hindi lamang sa kanilang kapwa lingkod-bayan kung hindi pati na rin sa kanilang nasasakupan.

Kinilala rin ng nabanggit na institusyon ang programang patuloy na isinusulong ni Mayor Ferdie para sa libu-libong Baliwagenyo. Kabilang dito ang High FVE sa Barangay, Hatid Kalinga Program para sa mga senior citizens, libreng hybrid seeds para sa mga magsasaka, Pangkabuhayan Starter Kits at mga proyektong imprastraktura tulad ng government center, Sto. Cristo-Pagala Access Road, Pagala-NIA Road Widening, Maternity & Lying-in Clinic, Baliwag Business Center, at MDRRMO Building.

Ayon sa mga political observers sa Bulacan, maraming magagandang epekto ang sunod-sunod na pagkapanalo ng Baliwag sa mga iba’t ibang parangal na kanilang nakakamit sa pangunguna ng administrasyong Estrella dahil mas nakikilala ang bayan. Kasabay nito ang pagtaas ng kredibilidad ng bayan at mas maraming opurtunidad ang makamit, lalo na kung ito ay magiging tuloy-tuloy pa sa mga susunod na taon.

Para kay Mayor Ferdie, ang mga ganitong klase ng pagkilala ay isang bonus lamang dahil bilang punongbayan ng Baliwag ay ginagawa lamang niya ay kaniyang tungkulin na pagmalasakitan ang kaniyang mga nasasakupan at ipatupad ang mga programa at proyekto na sa tingin niya ay makabubuti sa kalagayan ng bawat Baliwagenyo.


###

Advertisements