Baliwag News Service

March 22: ika-156 Guning Taon Kapanganakan ni Mariano Ponce, Local Holiday sa Baliwag

Baliwag, Bulacan – Sa bisa ng proklamasyon bilang 688 na may pamagat “Declaring Friday, 22 March, 2019, a special (non-working) holiday in the Municipality of Baliwag, Province of Bulacan” na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ay idineklarang special non-working holiday ngayon sa buong Bayan ng Baliwag upang alalahanin at ipagdiwang ang ika-156 anibersaryo ng kapanganakan ni Mariano Ponce.

Samantala, naghanda naman ng maikling programa ang Pambayang Aklatan at Museo ng Baliwag para sa okasyon na ito.

Magaganap ang isang misa mamaya sa ganap na ika-7 ng umaga sa Parokya ni San Agustin at susundan ng pagtataas ng watawat at pag-aalay sa bantayog ni Mariano Ponce sa Plaza Naning.

Si Konsehal Jose Noel “Joel” Pascual ang siyang kakatawan kay Punongbayan Ferdie Estrella na tatanggap ngayon araw ng Most Outstanding Mayor of the Philippines sa ikatlong taon kung kaya’t hindi siya makakadalo.

Ang iba’t-ibang samahang sibiko, pangkat kasaysayan, mga paaralan, barangay at mga kawani ng Pamahalaang Bayan ay inanyayahan na dumalo sa palatuntunan.

Kahapon ay nagsagawa ng kumperensiya ang Baliwag Polytechnic College ukol sa buhay ni Mariano Ponce. Napagalaman na dalawa ang Mariano Ponce na nag-aral ng medisina sa Unibersidad de Santo Tomas at si Mariano Collantes Ponce ay anak sa labas. Nakasabay umano nilang magkapatid si Jose Rizal sa UST ngunit hindi nagkakilala.

Magkikilala lamang ang dalawa sa Madrid at si Mariano Ponce nga ay nagalok sa mga kakilala ng librong Noli me Tangere ni Rizal.

Ang Plaza Naning ay isasara ngayon mula alas-5 ng umaga hanggang alas 8 ng umaga upang bigyan daan ang programa para kay Mariano Ponce.

Advertisements