Baliwag News Service

BALIWAGENYONG OFW MULA SA QATAR, NAKAUWI NA NG PILIPINAS SA TULONG NI MAYOR FERDIE

Advertisements

Isang Baliwagenyong OFW mula sa Qatar ang nagpaabot ng pasasalamat kay Mayor Ferdie V. Estrella matapos siyang agarang mapauwi sa Pilipinas. Ang nasabing OFW ay si Bb. Jocelyn Naldo ng Brgy. Calantipay, Baliwag, Bulacan na naging nabiktima ng human trafficking. Ang kanyang naging recruiter na  diumano ay nagtatago sa alias na “Queensy Palma” ay nakilala niya sa Manila.  Mabilis siya nitong napaalis ng walang kaukulang dokumento – sa paniniwalang ayos naman ang lahat ng isinumite niyang dokumento.

Dumating siya sa Qatar noong ika-23 ng Nobyembre 2018 at pinangakuan siya ng nasabing recruiter ng trabaho bilang cleaner noong nasa Pilipinas pa lamang siya.  Panandaliang silang tumira sa isang bahay panuluyan sa loob ng sampung araw, ngunit siya at ang kanyang mga kasama ay binalak dalhin sa bago nilang amo bilang Domestic Helper na hindi naman naayon sa kanilang unang kasunduan. Dahil sa naturang pangyayari, siya ay nagdesisyon na tumakas  at pumunta sa Philippine Embassy.

Naglakad sila ng humigit sa isang oras at sa kabutihang-loob na rin ng nakakakita sa kanilang kapwa Pilipino, sila ay binigyan nito ng pamasahe patungong Philippine Embassy. Nanatili siya dito sa loob ng tatlong buwan, sapat naman ang kanilang pagkain sa PE Qatar – dahil sa matagal na pananatili  sa PE Qatar at sa kagustuhan na rin na makauwi si Jocelyn, nagpasya ng dumulog ang kanyang biyenan at asawang si Dancie Tiquia kasama ang kanilang kapitan na si Cecilia Tolentino kay Mayor Ferdie V. Estrella.

Hindi nagdalawang isip si Mayor Ferdie at inirefer sa OFW Help Desk ng Baliwag. Inatasan niya si Bb. Jennelyn G. Marcelo, PESO Manager na makipagugnayan sa kinauukulan upang matulungan si Jocelyn na makabalik sa Pilipinas. Sa tulong ng OWWA ay nakipagugnayan si Bb. Marcelo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar upang alamin kung ano ang mga dapat gawin upang makauwi na ang nasabing OFW. Ayon kay Bb.  Evelyn C. Laranang, Welfare Officer sa Qatar, maaari nang ibili ng ticket si Jocelyn upang makauwi.  Agaran naman nag-abot ng tulong pinansiyal si Mayor Ferdie upang dagdagan ang kulang sa kanilang nakalap na pondo para sa ticket ni Jocelyn pauwi sa Pinas.  Nito lamang ika-10 ng Marso 2019 nakauwi na si Jocelyn sa Pilipinas at muli ay nakasama ang kanyang pamilya. Pinahiram naman ni Kapitana Cecilia ang kanilang barangay service sa pagsundo sa airport upang makatipid na rin sa pamasahe.

Nito lamang ika-18 ng Marso ay nakipagkita si Jocelyn kay Mayor Ferdie upang magpasalamat.  Pinayuhan ni Mayor Ferdie si Jocelyn na kung siya ay mangingibang bansa ay dapat mag-ingat at dumaan sa legal na proseso.  Siya ay isa na rin sa pagkakalooban ng livelihood assistance ng sa gayon ay mayroon siyang pagkakakitaan. “Maraming salamat po sa aming butihing Mayor Ferdie Estrella ng dahil po sa kanya nakauwi ako pati na rin po sa aming masipag na Kapitana at kay Ms. Jennelyn Marcelo po ng PESO Baliwag. Maraming maraming salamat po, proud to be Dugong Baliwag, Pusong Baliwag” lubos na pasasalamat ni Bb. Jocelyn Naldo.

Ang pagbubukas ng OFW Help Desk sa Baliwag ay isang napakalaking tulong sa mga Baliwagenyong OFW at kanilang pamilya.   Hinihikayat din ang lahat ng nais na mangibang bansa na maging mapanuri sa proseso na kanilang pagdadaanan.

Narito ang 10 Paalaala upang Maiwasan ang Illegal Recruitment

  1. Tanging mga nasa 23 taong gulang at pataas lamang ang puwedeng mag-apply para sa trabahong household service workers/domestic worker.
  2. Mag-apply lamang sa mga Recruitment Agencies na lisensyadong POEA.
  3. Makipagtransaksyon lamang sa mga awtorisadong kinatawan ng lisensyadong Recruitment Agency at sa loob ng rehistradong address nito.
  4. Makitungo lamang sa mga lisensyadong Recruitment Agencies na may JOB ORDERS na aprobado ng POEA.
  5. Tanggapin lamang ang mga alok na trabaho sa ibang bansa na may kaukulang employment / working visas o permits.
  6. Huwag tanggapin ang trabaho kung ang visa na gagamitan ay tourist o visit visa lamang.
  7. Magbayad lamang ng pinahihintulutan na PLACEMENT FEE na dapat katumbas ng isang buwang sahod maliban sa mga sumusunod kung saan pinagbabawal ang pangongolekta ng placement fee: A) Sa mga household service workers o domestic workers; B) Sa mga seafarers ; at C) Sa mga bansang Canada, Ireland, Israel, Netherlands, New Zealand, Norway, UK, US at Guam (kung H2B visa ang gagamitin).
  8. Maging maingat sa pakikipagtransaksyon sa mga training centers at travel agencies dahil hindi sila pinahihintulutan na mangalap ng mga aplikanteng nais magtrabaho sa ibang bansa.
  9. Maging mapanuri sa mga kaakit-akit na job offers na makikita sa INTERNET lalo na ang mga agarang humihingi sa aplikanteng pambayad sa visa, airfare, at processing fee.
  10. Huwag makipagtransaksyon sa mga fixers at direktang makipagtransaksyon sa mga kawani at opisina ng gobyerno.

#MagingMatalinoHuwagMagpaloko #SayNoToIllegalRecruitment #MayorFerdie #POEA #OWWA #POLOQATAR #PESOBALIWAG

#SerbisyongMayMalasakit #Maagap  #Maaasahan  #Magiliw #Magkakatuwang  #Mahusay

Advertisements