Baliwag News Service

Office of the Mayor| Sipi ng Talumpati ni Mayor Ferdie Estrella sa mga Nakiramay

Bishop Nolly Buco ng Diyosesis ng Antipolo

Msgr Andy Valeraat mga katuwang na pari sa Parokya ni San Agustin – Fr. Franz at Fr. Gary at Fr. Ed.

Mga paring naririto ngayon, sila po ang mga kaibigan pari ng aming pamilya na palaging naririyan sa panahon ng pagsubok at tagumpay.

Sa mga opisyal at dating opisyal, mga pinuno ng tanggapan at mga kawani ng Baliwag at sa mga nasa plaza naning, glorietta at iba pang lansangan at sa lahat ng mga nakikidalamhati; sa mga nanonood sa fb live ngayon; minamahal kong mga Baliwagenyos, Magandang hapon po sa inyo.

Ang halos isang lingo na aming naranasan ay isang pangyayari na hindi namin inasahan bagama’t alam naming paparating. Sino nga ba ang magiging handa sa ganitong karanasan. Sino ho ba ang may lakas ng loob na isipin ang pagkawala ng isang mahal sa buhay?

Sa loob ng pitong araw ay ating nasaksihan ang biyaya ng Diyos sa pagkakaroon natin ng isang Romy Estrella. Ang mga maliliit at malalaki ninyong karanasan at mga tagpo kasama ang aking ama sa kanyang papel bilang kapanalig, kapamilya, katrabaho, katunggali at kaibigan ay nagpakita sa atin ng tunay na katauhan ni Mayor Romy Estrella.

Visionary

Mula sa kanyang pananaw na ang kaunlaran ng ating bayan ay lalaganap sa DRT Highway; ang pag-iimbita sa mga malalaking kumpanya upang mapataas ang kita ng ating bayan at makalikha ng mas maraming trabaho; sa kanyang pagbawi sa anim na hektaryang lupa ng pamahalaang bayan na nabili sa panahon ni Mayor Tino ngunit hindi natin lubusang magamit dahil sa problema sa agraryo. Ayon sa kuwento ni Bokal Buko at ni MA Eric ay pinilit niyang maseguro ang lupa para sa pamahalaan sa paniwalang sa lugar na iyon malilipat ang tikas ng kaunlaran ng ating bayan. 145 milyon ang halaga noon ng lupang iyon. Ngayon, tinatayang may isang bilyon na nga ang halaga nito. Ang lugar na ngang iyon ang sentro ng pamamahala at rekreasyon.

Gagawin nating parang Makati!

Noong kanya palang sinabi kay Tata Narsing, na gagawin niyang parang Makati ang mga benepisyo, Ang Baliwag Star Arena, Baliwag Polytechnic College, libreng sine, birthday blowout, libreng salamin at iba pang programa ay siniguro pala niyang ito ay hindi lamang maipapatupad sa kanyang panunungkulan kung hindi masigurong may sapat na kita ang pamahalaan upang maipatupad ito hanggang sa mga susunod na panahon. Hindi man niya napakinabangan ang bunga ng mas mataas na kita ng bayan dahil natapos ang tax holiday ng SM noong 2013 lamang ay napapakinabangan naman ito ng bayan ngayon. Kung ano ang ginawa niya sa bayan ay ganoon din niya inihanda ang aming pamilya. Sabi nga niya, “kapag matatag ang pamilyang Baliwagenyo, matatag ang pamayanan, matatag ang Bayan.”

Matipid pero Maaalahanin

Sa mga kuwento nila Tita Cora, Vice Joel, Kon. Tony at Tito Fred Martin, matipid si Mayor Romy. Totoo naman iyon. Hindi siya pabor sa mga magagastos na programa. Ayaw niya ang pag-aaksaya sa pera ng bayan. Kaya hindi kataka-taka na makapag-iwan siya ng 32 milyon na surplus. Kung gaano nga siya katipid sa paggasta ay ganoon din siya katipid sa salita. Hindi man niya nasasabing “naaalala kita” o “mahal kita” o “miss na kita”, ay naipapakita naman niya ito sa mga maliliit na bagay.

Mapapatuyan ito sa mga kuwento ng marami sa inyong nakiramay sa amin. Sa mga naki-iyak sa amin at sa libo-libong Baliwagenyong nagpadala sa amin ng mensahe at nagdasal para sa kanya at sa aming pamilya. Ang pagtitipid niya ay hindi para sa kanya kung hindi upang masigurong mayroon siyang maibibigay sa panahon ng pangangailangan.

Mabuti hindi Mabait

Hindi nga daw mabait si Mayor Romy. Sabi nga ni Uncle Tito at Tita Violy, mabuting tao si Mayor Romy. Strikto at tradisyunal siya. Ang kabutihan niya ay ang pagsasabuhay ng kababaang loob kung alam niyang siya ang dapat magpakababa.

Pagtupad sa Pangako at Paglaban sa Hamon

Malaki ang yapak kailangan kong sundan. Madalas palang ikuwento ni Mayor Romy na hindi sapat na ako ay maging mayor. Hangad niya na mailagay ang bayan natin na laging handa para sa kinabukasan. Hangad niya na mayroong magtutuloy sa paghahanda sa kinabukasan ng ating bayan at ng mga Batang Baliwagenyo. Hangad niya na kahit wala na siya ay may magmamalasakit at hindi ang pag-isipan ng masama ang kapwa. Muntik na nga siyang mawala sa atin noong 2014 ng pasukin ng mga armadong tao ang kanyang opisina. He will survive that. Nakaligtas siya dahil mayroon pa siyang kailangan gawin at siguruhin. Na iyon ay hindi na muling kailangang maranasan ng kahit sino pang Baliwagenyo.

Hindi man niya maabutan ang pagbubukas ng Baliwag Polytechnic College Campus na kanyang pangarap ay akin pagsisikapan na maitayo dahil ito ang kanyang laging bilin sa akin… “Ferdie, ipagawa mo ang BTECH Campus.” Nakahingi na po ako ng pondo sa mga kaibigan nating senador at gagawin na ngayon taon ang building 2 at 3 ng BTECH. Bubuksan na sana ang BTECH Building 1 bukas. Ang sabi niya sa amin “tandaan niyo, mayroon kayong makakasalamuha na gagawan kayo ng masama; mayroon kayong makakaharap na mabuti pero pagtalikod ayay may masamang balak; pero marami tayong kasamang tunay na maaasahan.”

Kahit Kailan Kaibigan

Hindi nga siya nagkamali. Mula ng siya ay mawala ay ipinakilala niya sa atin ang kahulugan ng mga salitang iyon. Mula sa mga nag-alaga sa kanya kay Dr. Nick, Boss J at kina Paul, Roel at Raf. Sa aking mga Tita, Tito at pinsan sa Viceo at Estrella side, sa mga nanguna sa misa lalo na kay Msgr. Andy na nagsilbing lakas namin; sa mga katuwang niyang pari at sa lahat ng mga nag-alay ng mga misa at mga dasal; sa lahat ng mga opisyal at dating opisyal ng ating pamahalaan na nakiramay at naghatid ng mga elohiya; sa Sangguniang Bayan ng Baliwag; sa mga kapitan na siyang kasama namin ilang araw bago siya bawian ng buhay; sa mga kapitana; mga dating kapitan; mga kagawad at dating kagawad; sa mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag at Baliwag Water District; kapulisan, barangay volunteers; mga samahang sibiko at pansimbahan; sa mga nanguna sa pagsasaayos ng burol at libing; sa mga guro at mga mag-aaral na sumalubong at nakipaglamay; sa mga kaibigan ng aking mga magulang, ng aking kapatid na si Tac at bayaw na Charles; sa aming mga kaibigan ng aking maybahay na si Jonnah; sa mga senior citizens; solo parents at pwd’s na pumaawi na hindi nakalimot sa aking ama; sa mga nagpadala ng bulaklak, pagkain at iba pang tulong at probisyon; sa mga choir, performers, videographers, sound tech; sa mga nagpahatid sa amin ng pakikiramayo sa online platform at sa lahat ng mga Baliwagenyos, tama siya, marami nga sa inyo ang maaasahan. Tanging pagtanggap sa hamon ng aking ama na manatili akong maging isang mabuting tao; kasamahang maaasahan at isang matino at may malasakit na lingkod bayan ang maaari kong isukli sa lahat ng inyong kabutihang loob.

Tuloy-tuloy ang Serbisyong may Malasakit

Ang pakikiramay ng mga Baliwagenyo ang nagpapapawi ng kalungkutan. Ang grasya ng Diyos sa pagkawala ni Mayor Romy Estrella ang nagsisilbing kalakasan namin ngayon, taglay ang kapanatagan ng kalooban, na sa kabila ng dalamhati ay may dahilan para magpasalamat.

Salamat dahil ibinigay Niya si Mayor Romy sa atin. Salamat sa pagkakataong makapaglingkod siya sa isang mamamayang marunong tumanggap ng hamon, nagsisikap at nagmamalasakitan. Salamat dahil pinasimulan niya ang pag-unlad na natatamasa natin ngayon. Salamat dahil siya ang ibinigay ng Diyos na magulang namin. Salamat dahil hanggang sa kanyang huling sandali, nanatili siyang matatag, payapa, kuntento. Salamat, dahil napakabuti ng Diyos sa bawat isa sa atin.

Mayor Romy, salamat sa iyong pamanang ala-ala. Babaunin namin ito at gagawing inspirasyon bawat araw.

Kapag nakauwi na ang lahat. Kapag nailigpit na ang mga gamit. Kapag nalinis na ang paligid. Kapag lumubog na ang araw – hindi ko po alam kung paano kami sa kinabukasan. Dahil sa mga susunod na araw tiyak na mas mararamdaman namin na hindi na kami kumpleto, na may bakanteng upuan na sa hapag kainan, na wala na kaming “daddy”.

Pero para sa iyo Mayor Romy, Daddy, patuloy kaming hahanap ng dahilan para bumangon bawat araw. Dahil gaya mo, ang buhay naming ay hindi lang para sa amin, kundi para sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa atin.

Kaya kahit mahirap, mahirap may lungkot pa, at kahit may luha pa – tuloy ang buhay. Tuloy ang pagseserbisyo. Tuloy ang malasakit. At sa abot ng aking makakaya, saksi ang bawat isang naaabot ng aking tinig, patuloy akong maninindigan para sa mga Baliwagenyo. Walang maiiwan, lahat tayo magkakahawak-kamay. Kasi po, tayo lahat, dahil kay Mayor Romy, kahit kailan, magkakaibigan.

Sa inyong lahat, tanggapin po ninyo ang taus-pusong pasasalamat ng aming pamilya. Hinding-hindi po namin malilimutan ang pakiisa at pakikiramay na buong pagmamahal ninyong ipinagkaloob sa amin.

Hanggang sa muli Mayor Romy. Mahal na mahal kita.

Advertisements