Baliwag News Service

Libo-Libong Tao, Naghatid Kay dating Punongbayan Romy Estrella sa Kaniyang Himlayan

Advertisements

Baliwag, Bulacan – Kung susukatin sa dami ng mga nakiiyak, nakiramay at nakipaglibing ay masasabi nga nating tagumpay ang naging buhay at paglilingkod ni dating Punongbayan Romy Estrella.

Paglisan sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag

Requiem Mass

Hindi pa man nakakaalis ang mga tao sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag ay puno na ang Simbahan. Hindi na nga malulan ng buong simbahan ang kapal ng mga taong nagdatingan. Ang mga Knights of Columbus ay nawalan na nga din ng upuan kaya’t nagpatiuna na ang karamihan sa mga taong nakipaglibing.

Si Antipolo Bishop Nolly Buco ang nanguna sa Misa kasama ang tatlumpung pari sa pangunguna ng Kura Paroko ng Parokya ni San Agustin na si Msgr. Andres Valera.

Sa homilya ni Msgr. Andy, kaniyang pinapurihan ang kapanatagan ni dating Punongbayan Romy Estrella. Siya nga umano ay naging mabuting alagad ng Panginoon, nakipaglaban ngunit, nanatali sa pag-ibig ng Diyos.

“Pinagbuti ko ang pakikipaglaban,natapos ko na ang dapat takbuhin at nanatili ako sa pananampalataya.” 2 Timoteo 4:7

Ang Paglilibing kay dating Punongbayan Romy Estrella

Ang Libing ni Dating Punongbayan Romy Estrella

Paghahatid sa Huling Himlayan

Tagpo sa Baliwag Memorial Park

Hindi pa man nakakarating ang mga nakikipaglibing ay nagmistulang undas na sa Baliwag Memorial Park sa dami ng mga nakipaglibing kay dating Punongbayan Romy Estrella.

Nagbigay panghuling pagbabasbas si Fr. Garry Cruz at sinundan naman ito ng pagtiklop ng watawat ng Philippine National Police. Si Captain Carlos Panganiban ang nagabot ng bandila sa maybahay ni Mayor Romy na si Mayora Sonia Estrella. Nagbigay naman ng 21-gun salute ang PNP sa dating lider ng bayan na naglingkod ng may kabuuang 12 taon. Si Mayor Romy Estrella ay naging Municipal Vice Mayor noong 1998-2001 at Municipal Mayor taong 2004-2013. Siya pa lamang ang naging Mayor ng Baliwag na nahalal ng tatlong sunod-sunod na termino.

Pagpupugay ng Bayan

Sa kanyang pasalamat at pagpupugay sa kaniyang ama at ama ng Bayan ng Baliwag, sinabi niyang ang pamumuno ng kaniyang ama ay mahirap tularan ngunit ito umano ay pipilitin niyang mahigitan sapagkat alam niya na walang pinakamasaya sa tuwing makakakuha siya ng parangal o ng parangal ang bayan kundi ang kanyang namayapang ama.

Kapag nakauwi na ang lahat. Kapag nailigpit na ang mga gamit. Kapag nalinis na ang paligid. Kapag lumubog na ang araw – hindi ko po alam kung paano kami sa kinabukasan. Dahil sa mga susunod na araw tiyak na mas mararamdaman namin na hindi na kami kumpleto, na may bakanteng upuan na sa hapag kainan, na wala na kaming “daddy”.

Pero para sa iyo Mayor Romy, Daddy, patuloy kaming hahanap ng dahilan para bumangon bawat araw. Dahil gaya mo, ang buhay naming ay hindi lang para sa amin, kundi para sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa atin.

Kaya kahit mahirap, mahirap may lungkot pa, at kahit may luha pa – tuloy ang buhay. Tuloy ang pagseserbisyo. Tuloy ang malasakit. At sa abot ng aking makakaya, saksi ang bawat isang naaabot ng aking tinig, patuloy akong maninindigan para sa mga Baliwagenyo. Walang maiiwan, lahat tayo magkakahawak-kamay. Kasi po, tayo lahat, dahil kay Mayor Romy, kahit kailan, magkakaibigan.

Advertisements