Baliwag News Service

Mayor Ferdie, nakiramay sa pagkamatay ni Henry Sy Sr.

Advertisements

Iniabot ni Mayor Ferdie ang taos-pusong pasasalamat at pakikiramay ng buong bayan ng Baliwag sa pamilya ng namayapang si Mr. Henry Sy Sr. sa kanyang pagdalaw dito nitong Martes, Enero 22, 2019 sa Heritage Park, Taguig City.

Si Mr. Sy o mas kilala bilang “Tatang” sa kanyang mga kaanak at empleyado ay kinikilalang “Father of Modern Philippine Retail” at siya ring pinakamayamang negosyante sa bansa na nagtatag ng SM Investment Corporation. Inihayag ni Mayor Ferdie sa kanyang naging pagdalaw ang pasasalamat sa pamilya Sy para sa kanilang ambag sa kaunlaran at tiwalang ibinigay sa bayan ng Baliwag, sa pamamagitan ng pagpasok ng kanilang mga negosyo tulad ng SM City Baliwag, Savemore, Alfamart, BDO, at Chinabank na nagbigay ng trabaho at oportunidad sa libo-libong mamamayan hindi lamang sa Baliwag, kung hindi pati na rin sa mga karatig bayan.

Dagdag pa rito ang patuloy na kumpiyansa ng SM Group sa Baliwag sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo at puhunan para sa mga susunod pang itatayong mga negosyo at proyekto tulad ng expansion ng SM City Baliwag, National University – Baliwag Campus, labindalawang gusali ng SMDC, at mga bagong sangay ng WalterMart at Alfamart, na magbibigay daan upang mas lalong umangat ang ekonomiya at kalidad ng pamumuhay dito sa ating bayan.

Kamakailan ay naimbitahan din ni Mayor Ferdie ang SM Group of Companies para aralin ang posibilidad ng pagkakaroon ng hotel sa Baliwag na makatutulong sa pagpapalago ng komersiyo at turismo, na kasama sa mga investment priority areas na nakasaad sa Investment Code ng Baliwag.

Panghuli ay binigyang pugay din ni Mayor Ferdie ang puso ni Tatang para sa pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng kanyang SM Foundation – na nagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral, nagpatayo ng mga paaralan, namamahagi ng mga gamot sa mga nangangailangan, at mga donasyon sa mga nasalanta sa mga panahon ng trahedya.

Ang mga ito ay patunay na nagwakas man ang buhay ni Mr. Henry Sy Sr. ay iniwan naman niya ang mga aral, inspirasyon, at pamana ng isang mas progresibo at maunlad na pamumuhay sa mga taong kanyang natulungan at mga buhay na nabago.

#ThankYouTatang

Advertisements