Baliwag News Service

Baliwag LGU nurse, itinanghal bilang Most Outstanding Public Health Nurse 2018 sa buong Bulacan

Itinanghal bilang Most Outstanding Public Health Nurse 2018 ang Baliwag Municipal Health Officer (MHO) Nurse na si Maricel B. Sison sa katatapos lang na Gawad Galing sa Kalusugan 2018 awarding ceremony sa buong lalawigan ng Bulacan.

Mula sa apat na piling mga public health nurses na mabuting sinuri at kinilala ng Gawad Galing sa Kalusugan Technical Committee, si Sison ang nagwagi dahil sa kaniyang hindi matatawarang galing, sipag at dedikasyon sa kaniyang pagbibigay ng Serbisyong May Malasakit sa lahat ng mga Baliwagenyo. Tinanggap niya ang parangal noong ika-11 ng Disyembre 2018 sa Bulacan Capitol Gymnasium, Malolos, Bulacan.

Ayon sa kaniya, siya ay lubos na nagpapasalamat sa kaniyang pamilya at sa lahat ng mga taong sumuporta at naniniwala sa kaniya. Dagdag niya, bilang isang nurse, totoong napakahalaga ng dedikasyon, kagandahang-asal, at higit sa lahat, puso sa kaniyang trabaho.

Buong galak naman na kinararangal ni Mayor Ferdie V. Estrella ang pagkapanalo ng Baliwag Nurse III sa nasabing parangal. Naniniwala ang punongbayan na taglay ni Sison ang mga katangian ng isang mabuti at magandang ehemplo na nurse ng bayan: may malasakit sa kapwa, nagpapamalas ng empatiya sa kaniyang mga pasyente at higit sa lahat dedikado sa kaniyang propesyon.

Ang nasabing parangal ay ipinagkakaloob lamang sa mga piling public health nurses sa buong Bulacan na mayroong masusing pagsasanay at malawak na karanasan at kasabay nito ay nagtataglay at nagpapakita rin ng mga magagandang katangian ng isang nurse.

Si Maricel B. Sison o mas kilala bilang Nurse Cel ay 16 na taon ng nagsisilbi at nagbibigay ng kaniyang serbisyo sa bayan. Siya ay naging Nurse II noong taong 2003-2008 at naging Nurse III noong 2008 hanggang sa kasalukuyan sa Pamahalaan ng Bayan ng Baliwag.

 

###

Advertisements