Baliwag News Service

Baliwag, rank 1 sa Child’s Development Center Services sa buong Bulacan

Number 1 na ngayon ang Baliwag sa Child Development Center Services sa buong Bulacan, matapos ang accreditation at licensing evaluation na isinagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Dating nasa panlabinlimang (15) pwesto ang Baliwag, subalit noong nakaraang Pebrero 2018, matapos magpunta ang PSWDO sa Lokal na Pamahalaan ng Baliwag upang magsuri, malaking pagbabago ang kanilang dinatnan sa ilalim ng pamamahala ni Administrasyong Estrella na nakatutok sa pangangalaga ng edukasyon ng mga pinakabatang Baliwagenyo. Kasabay nito, ininspeksyon din nila ang teachers’ performances, kurikulum, pasilidad, supplemental feeding program, program implementation at pagkakaroon ng best practices ng 35 Day Care Centers na matatagpuan sa Baliwag.

Ayon kay Municipal Education Sector Focal Person Carolina San Juan, hindi biro na mula ika-15 pwesto, ngayon ay nangunguna na ang Baliwag sa buong Bulacan. Dagdag niya, ito ay naging posible dahil sa mabuting pamamahala ni Mayor Ferdie V. Estrella, sa lahat ng bumubuo ng ECCD Board, mga guro, mga magulang na patuloy na nagbibigay ng suporta sa kanilang mga anak upang sila ay mabigyan ng magandang edukasyon at naka-engganyo rin ang masipag na Punongbayan ng mga partners mula sa business sector at NGOs.

Para kay Mayor Ferdie, importante na mabigyan ng maganda at kalidad na edukasyon ang bawat batang Baliwagenyo. Kaya naman kaniya rin mabuting pinatutupad ang “No Collection Policy” sa mga day care center sa buong Baliwag.

Nagbibigay ang Lokal na Pamahalaan ng Baliwag ng libreng t-shirt sa mga bata na maaari nilang gamitin bilang kanilang uniporme, libreng school supplies, libreng ID, libreng work text activity books para sa mga batang edad apat pataas o mga batang naka-enrol sa regular day care centers at sa mga edad tatlo pababa ay nasa tinatawag sila na Child-minding program.

Ang Bayan ng Baliwag ay mayroong 35 day care centers na matatagpuan sa mga barangay na sumusunod: Bagong Nayon, Barangka, Catulinan, Concepcion, Calantipay, Hinukay, Makinabang, Matangtubig, Pagala, Paitan, Piel, Pinagbarilan, Poblacion, Sabang, San Jose, San Roque, Sta. Barbara, Sto. Cristo, Sto. Nino, Subic, Sulivan, Tangos, Tarcan, Tiaong, Tibag, Tilapayong at Virgen delas Flores.

###

Advertisements