Mayor Ferdie, namahagi ng libreng Hybrid Seeds sa 1000 Baliwagenyong magsasaka

Advertisements

Muling nagbigay ng tulong si Mayor Ferdie V. Estrella sa sektor ng Agrikultura matapos mamahagi ng libreng 1,345 sako ng Hybrid Palay Seeds sa may 1000 indibidwal na magsasaka at walong rehistradong asosasyon dito sa Baliwag.

Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Baliwag ang pagtatanim ng hybrid sa dry season, dahil sa mas mataas na productivity o ani nito base sa pag-aaral. Ang isang sako ay maaaring itanim sa isang ektarya at makapagbibigay ng 150 kaban na ani sa mga magsasaka.

Malaking pagpapasalamat naman ang ipinaabot ng mga magsasaka kay Mayor Ferdie dahil tanging sa termino lamang niya nakapagbigay ng full subsidy o libreng mga binhi para sa dalawang cropping season.

Matatandaan na noong Agosto, namahagi na rin si Mayor Ferdie ng libreng certified seeds sa may 1,300 magsasaka sa Baliwag. Kung sa dating nanungkulan, 50:50 scheme ang sistema, kung saan ang kalahati ng presyo ng mga binhi ay sasagutin pa ng mga magsasaka, ngayon ay wala na silang babayaran dahil nais ni Mayor Ferdie na tumaas pa ang kita ng mga nasa sektor ng Agrikultura.

Ayon sa Municipal Agriculture Officer-in-Charge na si Clemente Labao, malaking tulong ang pamamahagi ni Mayor Ferdie ng mga libreng binhi sa mga magsasaka upang mapanatili ang Baliwag sa ika-apat na highest yielder sa palay production sa buong lalawigan ng Bulacan.

###