Baliwag News Service

PANUNUMPA SA KATUNGKULAN NG PAMUNUAN NG ASSOCIATION OF OFW FAMILY CIRCLE-BALIWAG CHAPTER

 

Ang Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa pangunguna ng ating Punong-bayan Ferdinand V. Estrella at sa pakikipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay nagtatag ng OFW Help Desk sa Public Employment Service Office (PESO) Baliwag. Kaugnay nito, bumuo ng isang organisasyon para sa mga aktibo at bumalik na OFW na tatawaging Association of Overseas Filipino Workers (AOFC) Family Circle- Baliwag Chapter. Ito ay isang samahan na may layunin na iangat ang antas ng kabuhayan ng bawat kasapi at ng kanilang mga pamilya na naaayon sa maayos at marangal na pamamaraan. Ginanap ang Panunumpa sa Tungkulin ng nahalal na pamunuan noong ika-29 ng Oktubre kasabay ng pagtataas ng watawat. Ang paghahalal ay naman sa Tanggapan ng Public Employment Service Office sa Baliwag Star Arena, Pagala, Baliwag, Bulacan sa ganap na ika-9:30 ng umaga noong Miyerkules, Oktubre 24, 2018. Ito ay dinaluhan ng labinwalong (18) kinatawan mula sa dalawampu at pitong (27) barangay sa bayan ng Baliwag- sila ay mga pangulo ng pamilyang Overseas Filipino Workers (OFW) sa bawat barangay.

Layunin ng paghahalal na magkaroon ng boses at kinatawan ang Baliwagenyong OFW at maiangat ang antas ng kabuhayan ng bawat kasapi ng samahang ito at ng kanilang mga pamilya. Hangad din nito na makipag-ugnayan sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan at mga pribadong samahan o tanggapan para sa ikagagaling ng mga kasapi at makipagtulungan sa mga ito sa layuning legal at naayon sa batas.

Ang paghahalal ay pinangunahan ni Bb. Jennelyn Marcelo- PESO Manager na nagsimula sa isang pambungad na pananalita ukol sa mga nakatakdang proyekto ni Mayor Ferdie V. Estrella para sa mga nasasakupan nitong OFW at para na rin sa mga pamilya ng mga ito- tulad ng mga programa para sa repatriated o distressed OFW at mga livelihood program na maaring ipagkaloob sa mga kwalipikadong miyembro. Sa tulong ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Association (OWWA)  at Mayor Ferdie ng ilan na ring distressed OFW ang natulungan na umuwi simula noong 2017.

Sinimulan ang eleksyon sa pagpapaliwanag ni Bb. Karen Villasenor kung ano ang gampanin at tungkulin ng mga maihahalal- ito ay bubuuin ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Kalihim, Ingat Yaman, Tagasuri at dalawang (2) Taga-pagbalita. Narito ang nahalal na pamunuan:

Pangulo:                                 G. Ronald Castro Jr. mula sa Brgy. Catulinan

Pangalawang-Pangulo:       Gng. Teresita Noda mula sa Brgy.Sto. Cristo

Kalihim:                                 Gng. Minerva Bansil mula sa Brgy. Subic

Ingat-Yaman:                        G. Jeric Castro mula sa Brgy Tiaong

Taga-Suri:                              Gng. Janet Caluag mula sa Brgy Pinagbarilan

Tagapagbalita:                      Gng. Ada Villanueva mula sa Brgy. Bagong Nayon

                                                 G. Efren Dacquel mula sa Brgy. Tibag

Sa pagtatapos ng paghahalal nagbitaw ng pasasalamat si G. Ronald Castro Jr. sa mga nagsidalo at inihayag niya ang kanyang magiging suporta sa mga adhikain ng organisasyon. “Nagpapasalamat po ako sa mga nagsipaglaan ng oras para dumalo sa araw na ito at sa inyong pagtitiwala sa akin bilang maging pangulo ng samahang ito. Asahan niyo po ang aking suporta at partisipasyon para sa ikakaunlad ng Baliwagenyong OFW at sa pamilya nito.” pangwakas na pananalita ni G. Castro na isang OFW returnee mula sa bansang UAE.

Sa ngalan ng Serbisyong may Malasakit, makakaasa ang mga Baliwagenyo sa serbisyong magiliw, maagap, mahusay, maaasahan at magkakatuwang. Hangad ng butihing ama ng ating  bayan na mapabuti ang lahat ng mamamayan lalo na ang mga bagong bayani ng ating bansa.

Advertisements