Emmanuel Romano – Ipinagmamalaki ng mga Baliwagenyo!

Advertisements

Ginawaran ng Gintong Kabataang Bayani Award si Emmanuel mula sa bayan ng baliwag. Kinilala nitong Byernes, Oktubre 19, 2018 ang katapatan at kabayanihang ipinamalas ni Emmanuel Romano ng kanyang isa-uli ang halos kalahating milyong pisong halaga ng pera na napulot nya sa basurahan. Ang Gintong Kabataang Bayani Award ay isang parangal na ibinibigay ng lokal na pamahalaang panlalawigan para sa mga indibidwal o grupo na nagpamalas ng di matatawarang kabayanihan para sa bayan.

Marami ang humanga at natuwa sa katapatang ipinamalas ni Emmanuel Romano noong nakaraang Abril ng magtrending ang kanyang kwento ng isauli nya sa tunay na may ari ang Php. 427,798.00 sa kabila ng kanyang personal na problema sa pera bilang isang basurero.

Matatandaan na Noong ika-31 ng Marso, habang siya ang nangongolekta ng mga basura sa isang subdivision sa Baliwag, nakahanap siya ng plastic bag na mayroong perang nagkakahalagang Php 427,798. Hindi niya itinanggi na sa una ay natukso sya sa malaking halaga ng pera dahil ang kaniyang anak ay may sakit at kailangan ipagawa ang kanilang bahay ngunit, sa kabila ng kahirapan sa buhay at hirap sa trabaho, pinili niyang maging tapat at isinauli niya ang pera sa opisina ng barangay. Kuwento ng may-ari ng pera na naitapon ng kaniyang asawa ang plastic bag dahil inakala niyang basura lamang ito.

Malaking pasasalamat ang natanggap niya sa may-ari ng pera, binigyan siya ng pabuya na nagkakahalagang Php 20,000 para sa ginawa niyang katapatan at pinangakuan din siyang pagagamutin ang kaniyang anak na may sakit. Ginamit ni Emmanuel ang pabuya upang ipagawa ang kanilang bahay. Isang mabuting balita rin ang kaniyang nakuha noong ginawaran siya ng Sertipiko ng Pagpapahalaga ni Mayor Ferdie at inanunsyo din ng Mayor, para sa kanyang lingguhang pagsasalita sa Flag Ceremony, na gagawin siyang permanente sa kaniyang trabaho. Naging viral na rin ang kaniyang kuwento sa internet at dahil dito, naipalabas siya sa Kapuso Mo Jessica Sojo, isang programa sa GMA 7, na umani ng 53,000 shares at 4.6 million views makalipas ang halos isang linggo lamang. Bukod pa dito ay maraming indibidwal at TV shows ang nakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag tungkol kay Emmanuel. Marami rin ang namangha sa kaniyang kwento tungkol sa napulot na pera sa basurahan.

Sa kabila ng kaniyang mga problema sa buhay, mas nanaig ang kaniyang kabutihan at katapatan, sa sarili at maging sa bayan. Kahit na siya ang nag-aalangan noong una na kunin nalang ang pera, mas inisip niya ang may-ari ng pera kaysa sa kaniyang sariling pangangailangan. Kaniyang ipinakita na sa bawat kabutihang ginagawa ay may umaapaw na biyaya ang bumabalik. Siya ay ipinagmamalaki ng Bayan ng Baliwag dahil ipinakita niya na ang mga Baliwagenyo ay naghahandog ng serbisyong may malasakit.

Kasabay ring pinarangalan ni Emmanuel ang butihing punongbayan ng Baliwag na si Mayor Ferdie Estrella bilang Most Supportive Mayor on Youth Programs –parangal na pangalawang beses ng tinanggap ng punongbayan mula ng sya ay manugkulan sa Baliwag.