Baliwag News Service

Bagong gusali ng Baliwag SPED Center, itatayo na

Pinangunahan ni Mayor Ferdie Estrella ang groundbreaking ceremony para sa itatayong SPED o Special Education Center sa Baliwag North Elementary School kasama ang mga district supervisors, mga punongguro ng Baliwag at maybahay na si Mayora Jonnah Estrella nitong Martes, Oktubre 23, 2018.

Naglaan ng P3 Milyon mula para sa itatayong SPED Center, kung saan P2 Milyon ay gagamitin para sa gusali na may tatlong silid aralan, isang tanggapan, waiting area para sa mga magulang na nagbabantay at play area habang ang P1 Milyon ay ipambibili ng kumpletong kagamitan para sa mga SPED learners.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Ferdie na isa sa kanyang layunin na mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga batang may espesyal na pangangailangan at hindi dapat maging hadlang ang kanilang sitwasyon para sila ay makapag-aral nang maayos at matupad ang kanilang mga pangarap.

Dahil sa mabilis na aksyon sa kanilang kahilingan na magkaroon ng SPED Center ay abot ang pasasalamat at kasiyahan ng mga guro at magulang sa nasabing proyekto. Anila, ramdam nila ang importansya at malasakit na ibinibigay ni Mayor Ferdie para sa mga batang may espesyal na pangangailangan at siniguro nilang marami pa ang matutulungan at makikinabang sa bagong gusaling itatayo sa kanilang paaralan.

Taong 2004 nang unang naitatag ang Special Education Program ng Baliwag North Elementary School at sa kasalukuyan ay mayroon nang 79 na batang lalaki at 41 na batang babae o 120 special education learners ang nag-aaral sa ilalim ng programa. Kabilang sa mga batang natuturuan at natutulungan ay ang mga batang may visual at hearing impairment, autism, cerebral palsy, down syndrome, ADHD, speech disorder at iba pang health related problem.

Kasabay rin ng groundbreaking ceremony ay ipinagkaloob ni Mayor Ferdie ang dalawang bagong sasakyan para sa Baliwag North at South District na magagamit ng mga paaralan para sa kanilang mga aktibidad at gawain.

Advertisements