Baliwag News Service

Paghahanda para sa paggunita ng Undas 2018, sinimulan na.

BALIWAG, Bulacan – Bilang paghahanda sa nalalapit na araw ng Undas, nagkaroon ng unang pagpupulong ang Oplan Kaluluwa Technical Working Group sa pangunguna ng Pambayang Tagapangasiwa na si G. Enrique V. Tagle, upang talakayin ang mga gagawing hakbang upang matiyak ang isang malinis, mapayapa, at maayos na paggunita ng Undas sa bayan ng Baliwag.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga itatalagang Incident Command System, Assistance Help Desk, at mga nakatakdang alternatibong ruta sa mga pangunahing kalsada ng Baliwag patungo sa kalsadang nakapaligid sa mga sementeryo upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa nasabing araw. Binanggit din sa pagpupulong ang mga hamon na kinaharap noong nakaraang taon upang matugunan at maaksyusan agad ang mga ito para sa isang mas handa at matiwasay na pag-alala sa Araw ng mga Namayapa.

Kaugnay nito, tiniyak rin ng PNP Baliwag ang mahigpit na seguridad na kanilang inihahanda katuwang ang ibang mga sangay ng Pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng lahat, at matiyak na walang maging gulo na mangyayari sa mga sementeryo sa bayan ng Baliwag. Bukod dito, nakaalerto rin ang Public Assistance and Complaints Center upang agad na tumugon kung magkaroon man ng insidente na mangangailangan ng agaran na responde.

Inaasahan na magkakaroon pa ng susunod na pagpupulong sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag upang mas talakayin ang mga detalye ng mga gagawin pang hakbang para sa paghahanda at mga aksyon na gagawin bago ang araw ng Undas.

Advertisements