Bukambibig sa Baliwag

Advertisements

Bukambibig sa Baliwag

Makulay na salita ng makulay na bayan

ni Jaime F. Santiago

Maliwag! Lahing almires! Namamagipak! Pansit ni Dining! Buto ni Mentong!

Ilan lamang ito sa kakatwng salita at pariralang Tagalog na sa Baliwag lamang ginagamit. Kapag lumaki ka sa Baliwag, maririnig mo ang sari-saring tunog ng pang-araw-araw na wika, mga bukambibig at salitang kolokyal. Filipino pa rin ito pero may natatanging lasa at kulay. Huwag nang pansinin ang punto, dahil may kani-kaniyang paraan ng pagbigkas sa mga pantig at salita, pati sa pangungusap ang bawat pangkat ng tao. Ang naiiba sa tainga ay ang mga salitang tila ang bayan lamang ng mga “Maliliwag” ang lumikha at bumuhay sa loob ng maraming henerasyon.

Sa pagdaan ng panahon, sumailalim sa ebolusyon at permutasyon ang bokabularyo ng mga taga-Baliwag. Hindi ito nakaiwas sa pagsasamoderno. Pumasok na ang mga salitang punk, salitang kalye, at ang malakas na impluwensiya ng masmidya; lalo na ng mga tabloid na nakararating sa pinakaliblib na mga barangay ng bansa. Huwag nang sabihin pa ang mga dayo sa bayan na ipinapasok din ang kanilang sariling salita at idioma sa makulay nang wika at talasalitaan ng Baliwag. Ang nakabibighaning katutubong wikang Baliwag ay pinalitan ng ibang diyalekto mula ibang probinsiya. Malakas na impluwensiya ang Taglish—ang madaling paglipat mula Ingles patungong Tagalog. At pinakabago ang mga salitang binabaybay sang-ayon sa pinakabagong penomenon sa telekomunikasyon—ang “text messaging.”

Tiyak na kakatwa, di-maintindihan, o walang ibig sabihin ang magiging tingin ng mga kabataang Baliwag sa dating wika, na para ba silang nakarinig ng Pranses. Para maipakita ang puntong ito, basahin sa isang dose-anyos ng bayan ang sumusunod na talata na nakasulat sa purong Tagalog Baliwag, na may halo ng kilalang panulaan ni Francisco Balagtas. Alamin kung ano ang dating nito sa kaniya:

Alalumbaga ay napipilitang magdampol si Kiti ng lambat gamit ang dugong hiningi kay Dadong Matadero. Sino si Kiti? Asawa ni Helen na anak ni Pendong anluwage kay ni Liling na Magmamane. Kapitbahay ni Neneng Burit. Pinsan ni Ilyong halu-halo na nakatira sa may Hulo. Mangingisda sila sa ilog ng Angat. Biya at lukaok ang madalas mahuli. Minsan, maghapong walang araw. Kulay sigwada sa langit. Rumiripeke ang kampana na animo ay agunyas samantalang sumasabo ang sebong sa tumana habang nagbibiyakrusis ang mga manang ng bayan. Si Bebing Pakakak ay kumakanta sa block habang pinapanaog.

May paraan ang Baliwag sa pagtukoy ng tao sang-ayon sa kanilang propesyon o kung paano sila naiiba sa kanilang mga kapangalan. Anak ni Katyaw si Kiti. Nagtatrabaho si Dado sa katayan sa Little Baguio, ang maliit na barangay malapit sa palengke na ganoon ang tawag dahil sa dating malamig na simoy ng hangin na galing sa malawak na ilog Angat na maraming maisan sa pampang na tinatawag na Tumana. Sinasabing puta si Bebing Pakakak, ang Pokpok ngayon. Marami pang “bansag” ang bahagi ng wika ng Baliwag. Paboritong tawag ang Bebi na ibinibigay sa halos lahat ng anak na babae ng mga pamilya sa Baliwag. Katumbas ito ng Boy o Junior sa mga lalaki. Sa bayang ito lamang mo matatagpuan na ang sangkatlo ng populasyon ang mayroong ganitong palayaw. Nakakalito talaga kaya naglalagay ng bansag para maiba ang bawat isa.

Tunog baliw ang Baliwag bilang pangalan pero matino naman ito. Tulad ng sabi ng mga titser namin sa elementari, isang pag-aaral sa wika ang mismong pangalan ng aming bayan. Mula ito sa simpleng maling pagbigkas ng isang pari na dating nagmimisa sa matandang simbahan ng San Agustin na mahigit 400 taon ang edad. Napansin niya na pumapasok ang mga tao sa kalagitnaan ng misa. Dahil sa nainis sa pagiging huli ng mga taga-parokya, sinermonan niya ito sa pulpito at tinawag silang mga “baliliwag”, o mababagal. Sa pagsasalita ng Tagalog, dapat na “maliliwag” ang gamitin niya pero dahil hirap siya dito, iba ang lumabas sa kaniyang pagbigkas. Bihirang gamitin ng mga Tagalog ang salitang maliwag. Namatay na ito sa tagal ng panahon. Nakalulungkot na nawala ito sa pook kung saan ito isinilang, sa Baliwag na utang ang pangalan sa payak na salitang Tagalog.

Pinasikat ng mga kilalang personalidad tulad ni Bert Marcelo ang puntó ng bayang ito. Ginamit sa mga patalastas ng San Miguel Beer ang bigkas, salita, at punto ni Bert sa loob ng halos isang dekada noong kasikatan ng aktor.

Dapat na kilalanin ang mga katulad ni Bert na hindi ginawang isyu ang kanilang pagiging Bulakenyo at sa katotohanan, ipinagmalaki pang tubong-Baliwag sila, ang bayang makulay.