Pagtatatag ng Unit para sa Muslim Affairs sa Ilalim ng CAO, lalagdaan ni Mayor Ferdie

Advertisements

Baliwag, Bulacan – Alinsunod sa direktiba ng Pamahalaang Nasyunal na magkaroon ng mas bukas at tumutugon na pamahalaan, ipinagutos ni Mayor Ferdie V. Estrella ang pagtatatag ng isang unit para sa Muslim Affairs, sa ilalim ng Tanggapan ng Community Affairs.

Ayon kay Baliwag Community Affairs Office head, Jinky Bron-Bernardino, “nais ni Mayor Ferdie na magkaroon ng tanggapan ang mga kapatid natin na Muslim nang sa gayon ay agarang madinig ang kanilang mga pangangailangan. Sila ay mga Pilipino at hindi dapat sila ituring na second class citizens.”

Ayon naman kay Municipal Administrator Enrique Tagle, “napapanahon ang hakbang na ito dahil sa panahon na ngayon ng integrasyon at diversipikasyon kung kaya’t sa isang pamayanan na may iba’t-ibang kultura at tradisyon ay dapat natin lawakan ang kaalaman dito. Hangga’t hindi natin binibigyan ng puwang ang mga kapatid nating muslim ng buong loob at pang unawa ay hindi natin pinapahalagahaan ang kapayapaan.”

Samatala, mainit nga ang naging pangtanggap ng muslim community sa paglagda ni Mayor Ferdie Estrella ng executive order na nagtatatag ng opisina para sa mga muslim noong Eid’l Fitri. Sinabi ni Olo Racman, Pangulo ng Muslim Association of Baliwag, “natatangi ang araw na ito sapagkat mahigit 20 taon na ang mga muslim sa Baliwag ngunit, ngayon lang ito nabigyan ng tamang pagkilala. Salamat Mayor Ferdie sa atensiyong iyong binigay. Matatala ito sa kasaysayan na ng Baliwag at mga muslim na nagpahalaga ka sa amin at inalis ang anumang harang na naghihiwalay sa amin.”