Baliwag News Service

TWG sa Pagbalangkas ng Regulasyon Ukol sa Taas ng Kable at Kawad, Binuo. Utilities sektor pinulong.

Baliwag, Bulacan – Binuo ng Tanggapan ng Punongbayan ang isang Technical Working Group na siyang mag-aaral at babalangkas sa mga mapagkakasunduang panuntunan at regulasyon ukol sa tamang taas ng kawad o kable ng mga pangunahing kumpanya na kabilang sa sektor ng public utilities.

Alinsunod ito sa dalawang direktiba ni Punongbayan Ferdie Estrella na una, maisaayos ang mga nagsalabit na kable sa buong bayan at ikalawa, mapagkasunduan ang tamang taas ng kable na kanilang sinasalansan upang hindi na makaabala sa tuwing sasapit ang mahal na araw na kung saan ay idinaraos ang taunang Baliwag Grand Lenten Procession.

Itinalagang pinuno ng Technical Working Group si Municipal Administrator Enrique Tagle at ito ay binubuo ng mga kinatawan mula sa PLDT, MERALCO, Globe Telecoms, SMART, Baliwag Water District at ELCOR. Samantala, kinatawanan naman ni G. Kheno Enrile ang Parokya ni San Agustin at Hermanidad.

Agaran namang ipinatawag ang mga ito sa isang pagpupulong at naging mabunga ang naging pagtalakay dito.

Sa huling pag-uusap ay magbabalangkas ng isang draft ng implementing rules and regulations sa Bayan ng Baliwag. Napagkasunduan din na ang taas ng kable ng Meralco ay nasa 25 talampakan at 21 naman ang taas ng kable ng PLDT.

Ang Meralco ay aatasan din na maglagay ng mga palatandaan ng pagmamay-ari ng kable sa lahat ng umuupang kumpanya sa mga poste nito.

“Kami po sa Pamahalaang Bayan ay nakabatay parati sa direktiba ni Mayor Ferdie na makipagtuwang sa lahat ng sektor. Kaya, kami ay patuloy na handang makipagtuwang sa lahat ng sektor lalo na kung nakasalalay ang kabutihan at kaligtasan ng publiko. Maganda po ang nagiging sagot ng ating mga partners at positibo ang kanilang reaksyon at pagtanggap sa mga ganitong gawain. Mahalaga na ang gobyerno, simbahan, mamamayan at pribadong sektor ay may koordinasyon upang maihatid natin sa publiko ang isang uri ng serbisyong maagap, maaasahan, magiliw, mahusay, magkakatuwang – mga elemento ng malasakit,” pagtatapos ni Municipal Administrator Enrique Tagle

Advertisements