Baliwag News Service

UNANG OFW HELP DESK SA BULACAN PARA SA TAONG 2018, NASA BALIWAG NA!

Advertisements

Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa pangunguna nina Mayor Ferdinand V. Estrella at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na kinatawan ni Bb. Esperanza B. Cobarrubias- Chief of Programs and Services Division. Ang nasabing MOA Signing Ceremony na ginanap noong ika-24 ng Abril sa Municipal Conference Room na sinaksihan nina Bb. May Lynn Gozun, Provincial Director, DOLE Bulacan Field Office, Bb. Elizabeth L. Alonzo, Department Head ng Provincial Youth, Sport and Public Employment Service Office (PYSPESO), Konsehala Madette Quimpo, Bb. Jennelyn G. Marcelo, OIC- PESO Manager ng PESO Baliwag, Mark Joseph Bondoc, OWWA Family Welfare Officer at Jennifer Morales, OWWA.  Ito rin ay dinaluhan ng mga pangulo ng OFW Family Circle mula sa 27 barangay ng Baliwag at kanilang miyembro

Layunin ng nasabing MOA ang pagkakaroon ng OFW Help Desk sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag na itatalaga sa PESO Baliwag ng sa gayon ay may tanggapan na maaaring tumugon sa mga pangangailangan ng mga OFW.  Inaasahan din na ito ay magiging daan  upang magkaroon na ang bayan ng Baliwag ng kabuuang profile ng mga OFW, aktibo man o nakabalik na.  Sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng Orientation of OWWA Programs and Services upang magkaroon ng dagdag kaalaman sa mga programa at serbisyo na maaari nilang makuha.  Dagdag pa rito, ang pagsasagawa ng mga pagsasanay o skills training at pamamahagi ng kabuhayan upang makapagsimula ng maliit na negosyo ang mga nakabalik na OFW.  Maaari rin lumahok sa isasagawa na skills training ang mga miyembro ng pamilya ng mga aktibo na OFW

Bilang panimula, pinasalamatan ni Mayor Ferdie ang lahat ng mga panauhing nagmula sa DOLE, OWWA, PYSPESO, Sangguniang Bayan at lahat ng mga kinatawan ng bawat barangay na nagbigay ng kanilang oras upang dumalo at sumaksi sa paglagda ng MOA para sa OFW Help Desk. Ayon kay Mayor Ferdie, “Makakaasa ang mga Baliwagenyong OFW sa pagtulong at suporta mula sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag, nang sa gayon ay maitaas ang antas ng pamumuhay ng kanilang pamilyang kinabibilangan.” Hindi pa nagkakaroon ng OFW Help Desk, si Mayor Ferdie ay naging bukas na sa pagtulong sa mga OFW.  Sa katunayan, tatlong (3) OFW na mula sa Saudi Arabia ay na-irefer niya sa OWWA upang matulungan na makabalik sa ating bansa.  Isa na rito si Gng. Irene Timbang na nagkaroon ng karamdaman habang siya ay nagtratrabaho sa Saudi.  Noong siya ay makabalik noong Disyembre, agad na binigyan sya ni Mayor Ferdie ng Massage Therapy and Foot Spa with Manicure and Pedicure Starter Kit ng sa gayon ay magkaroon sya ng pagkakakitan.  Ito rin ay naging daan upang personal na makapagpasalamat si Mayor Ferdie sa napakabilis na tugon ng OWWA sa mga pangangailangan ng mga Baliwagenyong OFW tulad na lang ng repatriation ni Gng. Timbang.

Pinasalamatan at pinuri ni Bb. Esperanza B. Cobarrubias- Chief of Programs and Services Division ng OWWA ang butihing alkalde ng Baliwag sa walang sawang pag-agapay at pagbibigay ng serbisyong may malasakit sa mga nasasakupan nitong OFW.  Ayon kay Bb. Cobarrubias, ang Baliwag ang unang Munisipalidad na magkakaroon ng OFW Help Desk sa probinsya ng Bulacan para sa taong 2018.  Pinarating din ni Bb. Cobarrubias ang iba’t-ibang serbisyo at programa na maaaring ipagkaloob ng OWWA sa mga OFW na miyembro nito. “Mapalad ang Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa pagkakaroon ng Mayor ng may puso para sa mga nasasakupan nitong OFW, katuwang ang OWWA makakaasa ang mga Baliwagenyong OFW sa mabilisang pagtugon sa hinaing o tulong na maaaring ibigay ng aming tanggapan ”.

Inihayag din ng Bb. Elizabeth Alonzo, Department Head ng Provincial Youth, Sport and Public Employment Service Office (PYSPESO) ang mga programa at serbisyo na maaaring matamo ng OFW sa kanilang tanggapan, siya rin ay nag pasalamat kay Mayor Ferdie at Bb. Jennelyn Marcelo- OIC PESO Manager sa dagliang pagtalima sa kanilang panawagan na magkaroon ng OFW Help Desk sa bawat Lungsod at Munisipalidad sa pamamagitan ng PESO dito sa Bulacan. Ayon kay Bb. Alonzo, “Patuloy ang suporta at pag-agapay ng PYSPESO sa PESO ng Baliwag sa dagliang pagtalima sa aming panawagan na pagtatalaga ng OFW Help Desk at sa Outstanding Mayor ng Baliwag na si Mayor Ferdie sa patuloy nitong pagbibigay ng Serbisyong May Malasakit sa mga Baliwagenyong OFW.”

Binati naman ni Bb. May Lynn Gozun si Mayor Ferdie dahil sa maganda nitong hangarin na mapabuti ang sektor ng OFW sa bayan ng Baliwag. Tiniyak din ni Bb. Gozun  na buo ang pagsuporta ng DOLE sa mga programa ng Bayan ng Baliwag sa mga darating na araw at pagkakaloob ng malaking halaga para sa mga proyekto ng pamahalaan na makakatulong na dagdag pangkabuhayan sa mga pamilya ng OFW o mga dating OFW. “Sa ngalan ni Secretary Silvestre Bello III (DOLE) na may malaking pagpapahalaga sa mga kababayan nating OFW – makakaasa ang Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa buong suporta ng tanggapan ng DOLE sa  pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga pamilya ng mga OFW nang sa gayon ay magkaroon sila ng dagdag pagkakakitaan” sambit ni Bb. Gozun.

Ayon kay Gng. Teresita Noda, Pangulo ng OFW Family Circle ng  Brgy. Sto. Cristo, Baliwag, Bulacan, “Nagpapasalamat ako sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa pagbibigay nito ng importansya sa aming mga OFW lalo na kay Mayor Ferdie at sa PESO Baliwag sa pagtatatag ng OFW Help Desk na pwedeng lapitan ng mga katulad kong OFW”.

Makakaasa ang mga Baliwagenyong OFW patuloy sa suporta ni Mayor Ferdie sa kanilang sektor na itinuturing na mga Bagong Bayani ng ating Bayan.

#SerbisyongMayMalasakit #OFWHelpDesk #OWWA #LGUBaliwag

 

Advertisements