Baliwag News Service

Mayor Ferdie, nakatakdang Lagdaan ang Executive Orders patungkol sa Urban Gardening, Junkshop Regulation, Expanded Scholarship at Inventory of Informal Settlers

Baliwag, Bulacan – Nakatakdang lagdaan ni Punongbayan Ferdinand Viceo Estrella ang apat na mahahalagang Pangkalahatang Kautusan na tutugon sa iba’t-ibang suliranin ng ating bayan.

Una na rito ay ang pagtatatag ng isang Komite na mangunguna sa pagpaplano, pagpapatakbo, at pagpapalawig ng programang urban gardening sa Bayan ng Baliwag na tatawaging bayANIhan Gulayan sa Baliwag. Naglalayon ito na mabigyan ng kaukulang atensiyon ang pagtatanim ng gulay at iba pang halaman na tutugon sa pangmatagalan at tuloy-tuloy na programa ng bayan sa food security, nutrition at climate change. Ayon kay Mayor Ferdie, “kung matuturuan lamang ang bawat kabahayan na magtanim ng mga gulay, sangkap sa pangluto at iba pang halaman at herbs ay hindi magugutom o walang dahilan para magkaroon tayo ng malourished na bata.” Si Dr. Carlito dela Cruz ng Department of Education ang magsisilbing Chairperson nito at Co-chairpersons sina Mayora Jonnah Estrella, Dr. Arceli Relleta, Mr. William Ortega.

Ikalawang kautusan ay ang pagbabawal sa pagbukas o pananatili ng anumang aktibidad na may kinalaman sa junk recovery o junkshop operation. Ito nga ang nakitang pangunahing sanhi ng pagbaha sa Barangay Santo Cristo, Tangos at Bagong Nayon.

Ikatlo ay ang kautusang nag aatas sa mga punong barangay at pamahalaang barangay na magsagawa ng Imbentaryo ng mga kabahayang ilegal na nakatayo sa kanilang lugar at pagsusumite ng mga pangalan ng naktira sa mga kabahayang ito. Layon nito na masigurong tama ang pagtatasa kung ilan ang nangangailangan ng kaukulang tulong na magkaroon ng permanenteng bahay na hindi nakakasagabal sa tubig irigasyon. Kasama din sa kautusan ang pagtatalaga sa tungkulin ng mga kapitan na masigurong hindi hahayaang madaragdagan ang mga naalisan na upang makatugon tayo sa mga hakbangin sa climate change at resiliency.

Panghuli ay ang pag amyenda sa mga tungkulin ng naunang nabuong komite sa scholarship. Ayon sa order na ito, inaatasan muli ang komite na gumawa ng mga pag-aaral at masusing deliberasyon upang makagawa ng bagong polisiya sa paggawad ng Scholarship sa kabataan na nagnanais na mag kolehiyo sa ibang dalubhasaan maliban sa Baliwag Polytechnic College at kumukuha ng mga technical o quota programs at nangangailangan ng suportang pinansiyal bilang pantustos dito.

Si Dr. Emiterio Tiburcio ang Chairman ng Komiteng ito.

Advertisements

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.