Baliwag News Service

Pahayag mula sa Tanggapan ng Punongbayan Ukol Pagbaha


Ang naranasang pagbaha sa Zone 4 at Zone 2 sa Barangay Bagong Nayon, batid natin, ay matagal ng perwisyo sa ating mga kababayan na nakatira diyan. Kaya’t naglaan tayo ng pondo ngayon taon upang masiguro na ito ay magawan ng solusyon ngayon taon. Ngunit nagulat tayo ng biglang nakaranas ang ating mga kababayan sa Daang Bakal sa Santo Cristo gayun din sa bukana ng Barangay Tangos.

Mahirap gumasta ng pera kung hindi natin siguradong masosolusyunan ang problema ng ating mga kababayan. Kaya’t isang buwan na ang nakakalipas ng simulan natin makipagdayalogo sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagsasaayos nito kabilang ang DPWH at NIA.

Base sa mga pag-aaral, lumabas na ang sanhi ng pagbaha sa mga lugar na nabanggit ay dahil sa mga sumusunod:

1.Pagsisikip ng daluyan ng tinatawag na Bitukang Manok, isang natural creek na bumabagtas mula sa Bagong Nayon, Pagala, Tangos, Sulivan, Piel, San Roque, papunta sa Candaba Swamp. Ang pagsikip ay dahil sa basura, ilegal na struktura at pagtatambak.

2. Ang daluyan sa ilalim ng Bloomingdales ay nasarahan dahil sa ilegal na struktura at dami ng basura partikular na ang styrofoam mula sa kinalakal na refrigerator.

3. Ang ilan sa Drainage na proyekto ng DPWH at Lokal na Pamahalaan ay ginawa taliwas sa takbo ng tubig ng irigasyon. Ito ang dahilan kung bakit naguumpugan ang tubig sa Santo Cristo at Tangos.

4. Mababang dike, butas na mga bakal ng mga kantarilya dahilan upang lumabas ang tubig sa irigasyon.

5. Bitin na drainage infrastructure buhat sa Master Drainage Plan 1 at 2. (Ang tubig mula sa Bagong Nayon ay lalabas dapat papuntang Candaba. Mula naman sa Santo Cristo ay papalabas sa Barangay Tiaong sa pamamagitan ng ilog Angat. Barangay Subic at Sabang papalabas ng ilog Angat sa gawi ng Barangay Tibag.


Ang suliranin at perwisyong dinudulot nito ay masosolusyunan natin ng sama-sama, sabay-sabay. Ito po ang mga hinahain nating pangmatagalang solusyon sa mga problemang iyan:

1. Pipilitin po natin na mabuhay ang mga kinakailangan drainage base sa Baliwag Drainage Master Plan 1 and 2 katuwang ang Pamahalaang Nasyunal.

2. Pagbukas ng naisarang lagusan ng tubig sa Bloomingdales.

3. Pagbaklas sa mga strukturang nakakaharang sa agarang paglabas ng tubig.

4. Paghiling sa NIA ang pagpapataas sa dike at pagpapalapad sa mga culvert. Gayun din nga ang pagsasaayos ng mga sirang kantarilya.

Ngunit, hindi po iyan ganap na masosolusyunan at paulit-ulit lamang na magiging problema kung ang mga nakatira sa gawi na iyan at ang iba pang mga kabahayan ay hindi magpapatupad ng tamang disiplina sa pagtatapon ng basura. Kailangan po natin pagtulong-tulungan ito.


Kahapon po ay nagsimula ng gawin ang sa gawin ng Tangos at ngayon araw ay sisimulan na rin ang para sa gawi ng Bagong Nayon at Santo Cristo. Lubos po ako na umaasa na ito ay magiging mabunga at higit na makakatulong sa pagsasaayos ng problema sa baha diyan. Ang NIA naman ay nagsasagawa ng kanilang aksyon. Atin pong hihilingin sa kanila ang patuloy na pagsasaayos ng patubig.

Kahapon ay nakatanggap din tayo ng sulat mula sa NIA ukol sa kanilang plano na bawiin ang lupa ng NIA na natayua ng ilang struktura. Kung kayo ay kabilang sa mga napadalahan ng sulat at nangangailangan ng assistance o pamamagitan ay maaari kayong magsadya sa aking Tanggapan o kaya ay sa Tanggapan ng Urban Poor Afffairs sa Pamahalaang Bayan. Ang tanggapang iyon ang siyang mamamahala sa pagtugon sa pangangailangang pabahay ng ating mga kababayan.

Sama-sama po natin gawin ang nararapat na gawin bilang isang mabuting Pilipino. Hinihiling ko po na pairalin ang disiplina sa pagtatapon ng basura at solid waste at liquid waste management. Huwag po natin itapon langnkung saan ang basura dahil siguradong ibabalik lamang ito sa atin dala pa ang mas matinding suliranin.

Mula ngayon ay babalitaan namin kayo ng mga bagong aksyon at ganap ukol dito.

Sa ngalan ng Serbisyong may malasakit.

Advertisements

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.