nutripop serbisyong may malasakit Uncategorized

Pre-Marriage Counselors ng Baliwag, pasado sa Accreditation ng DSWD-Standards Bureau

Noong ika-19 Oktubre, 2017 ay ginawaran Certificate of Accreditation ang dalawang miyembro ng Pre-Marriage Counseling team ng Baliwag matapos ang matagumpay na deliberasyon na isinagawa ng central office ng DSWD.

Ang Baliwag ay natatangi sa mga bayan sa Bulacan na mayroong lisensyadong counselors na siyang bumubuo sa Pre-Marriage Counseling (PMC) Team, alinsunod ito sa Revised Pre-Marriage Counseling Implementing Guidelines of 2002 na halaw sa Joint Memorandum Circular No. 01 mula sa DILG, DOH, DSWD at Commission on Population, na nagtatakdang ang lahat ng mga itatalagang Pre-Marriage counselors ng pamahalaan ay magkaroon ng akreditasyon mula sa DSWD – Standards Bureau. Nakasaad sa mandatong ito ang patuloy na pagsasanay ng mga miyembro ng PMC Team sa mga paksa ng pag-aasawa, pagmamagulang, kalusugan at pamamahala ng pamilya upang mas higit na maihanda ang mga nais magpakasal sa pagbuo ng kanilang pamilya.

 

Ang serbisyo ng Pre-Marriage Counseling sa Baliwag ay ginaganap tuwing Miyerkules (maliban kung holidays) sa Tanggapan ng POPCOM o Commission on Population Office, mula 9:00am-12:nn.

Ang pagsisiguro ng mahusay at kalidad na serbisyo sa pamamagitan ng maayos na pagsunod sa mga itinakdang panuntunan, gaya ng pagsailalim sa accreditation na isa sa mga layunin ng ating Punongbayan Ferdie Estrella. Kaugnay nito’y nilagdaan ni Mayor Ferdie ang isang Executive Order na siyang magtatakda ng mga probisyong ayon sa ating mga pambansang batas at kautusan upang mas higit na maramdaman ng mga Baliwagenyo at Baliwagenya ang Serbisyong may Malasakit.

Advertisements