Baliwagenyo Success Story: Ang Awit ng Aking Buhay

Advertisements

Si Janine Españo kasama ang kanyang Municipal Link na si Ms. Mercy Grace Ventura, kung saan tinanggap nito ang Unang Karangalan sa Patimpalak ng DSWD Region III sa larangan ng pag likha ng isang awitin at Pag Kanta.

Nito lamang nakaraang Setyembre 07, 2017 ay isang Baliwagenya ang kinilala sa Region III, si Janine Erica Españo dahil sa angkin nitong husay sa pagsulat ng awitin at pag kanta, kasama ang kanyang Municipal Link na si Ms. Mercy Grace Ventura ng DSWD ay tinanggap nito ang plake ng pagkilala sa nasabing patimpalak.  Nagwagi bilang Unang Karangalang Banggit si Janine na kumatawan sa probinsya ng Bulacan.

 

Bagamat hindi man pinalad na makuha ang titulo bilang Kampeon ay naging positibo at mabunga ang naging epekto nito sa buhay ni Janine, “Mas pagpupursigihan ko po ang aking pag aaral at ang pagiging isang mabuting mamayan, upang sagayon po ay maging modelo ako ng pagbabago sa aming bayan, maging patunay po na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang ating mga Pangarap, lalong higit sa mga kabataan”- wika ni Janine ng may galak at kasiyahan sa kanyang mukha matapos ang patimpalak.

Si Janine Erica Españo, labing siyam na taong gulang, residente ng barangay Makinabang Baliwag Bulacan panganay na anak ni Ginoong Zaldy Españo at Ginang Lourdes Españo. Isang mapagkalinga at mabait na anak kung ilarawan ng mga magulang nito si Janine, masipag at pursigido sa kanyang pag aaral, kung saan sa kasalukuyan ay nasa ika apat na taon na ito sa kanyang Pag aaral sa Kolehiyo sa Bulacan State University, Bustos Campus, na kumukuha ng kursong BS-ED Major Math.

Ang pamilya ni Janine ay isa sa mga benepisyaryo ng Programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD na nakakatanggap din ng ayuda sa pag aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng ESGPPA Scholarship. “Isa sa mga Huwarang Pamilya na maituturing ang Españo Family, laging nakakatugon sa mga kundisyon ng programa at walang kahit anong naitalang negatibong gawaing ang sino man sa mga ito, batay sa aming records”- DSWD/ Ms.Ventura.

Noon paman daw ay nakitaan na ng kaniyang Municipal Link ng angking galing at talento ang nasabing Baliwagenya, “mabait, matalino at talented talaga ang bata yan” ang banggit ng ilan sa mga guro ni Janine sa BSU ng amin silang tanungin kung ano ba si Janine sa kanilang silid aralan.

Tunay nga na isa si Janine sa mga kabataang pinaniniwalaan ng ating Punong Bayan Ferdie Estrella na mahalagang yaman ng ating bayan na magtataguyod sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon, kaya naman sinisiguro nito na mabibigyan ng mga programa at serbisyo na magtitiyak sa kanilang kaligtasan at maayos na kinabukasan, dahil hindi lamang sa kagandahang asal nakikilala ang mga Baliwagenyo, kundi maging sa angking talino, sipag, at talentong angkin nito na siyang iniingatan at pinagyayaman ng ating Pamahalaang Bayan.

Dahil ang Dugong Baliwag, Pusong Baliwag, Kampeon sa Talino, Talento at pagbibigay ng Serbisyong May Malasakit.