Baliwag News Service Baliwag Water District Bplo Business friendliness and competitiveness Business streamlining go negosyo investment promotions national competitiveness

Napipintong Pagbubukas ng Baliwag Business Center, Isang Malaking Kaginhawaan sa mga Namumuhunan

Advertisements

 

Naimbitahan ng Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ng Investment Promotions Unit sa isang pagpupulong ang mga iba’t ibang pampubliko at pribadong ahensiya hinggil sa planong pagbubukas ng isang Business Center sa Baliwag.  Ang nasabing dayalogo ay ginanap sa Boardroom ng Tanggapan ng  Punong Bayan, Agosto 22.

Tinalakay sa naturang miting ang konsepto ng pagkakaroon ng Baliwag Business Center na kaaaniban ng mga ahensiyang tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga negosyante sa pagbubukas man o pagpapanatili ng kanilang mga negosyo.  Ito ay isang tanggapan na magbibigay ng mga serbisyo publiko o pribado katulad ng pagkuha ng mga permit o lisensiya at pag-aplay sa mga utility companies.

Layunin ng nasabing Business Center  na mapalapit ang publiko sa  mga serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya.  Ito ay naglalayon ding mapagaan ang proseso sa pagkuha ng mga serbisyong nabanggit. Karagdagan pa rito, magsisilbi itong pinagsama-samang front lining services kasama ang mga utilities sector, pribado at publikong ahensiya.  Ito ay isang konsepto ng one-stop shop na kung saan sa halip na magpunta ang isang negosyante sa iba-ibang lugar upang mag-aplay ng mga permit na kailangan niya sa pagbubukas ng isang negosyo, maaari na lamang siyang magpunta sa Baliwag Business Center para sa isahang pagpoproseso.

 

Naging positibo naman ang kasagutan ng mga naimbitahang mga ahensiya hinggil sa naturang usapin.  Ito ay kanilang sinasang-ayunan para na rin sa pagbuo ng isang sistema ng pagbibigay ng mga permit at pagtugon sa mga aplikasyon upang maging magaan ang prosesong susuungin ng mga namumuhunan.  Ito ay para na rin makahikayat pa ng mas maraming investors sa bayan  at kaalinsunod nito ay ang pagkakakaroon ng mas marami pang mga trabaho.

Dinaluhan ng mga sumusunod ang naturang pagpupulong bilang mga kinatawan ng kani-kanilang mga ahensiya: Ms. Amalia Tiangco, Ms. Roxane Ileto at Ms. Mary Anne Pascual para sa PAG-IBIG Fund; Ms. Angelica Garcia para sa PHILHEALTH; Ms. Ma. Theresa Ramos at Ms. Eloisa Ramos para sa Baliwag Water District; Mr. Arnaldo Punay, Mr. Noel Cruz at Mr. Alexies Feliciano para sa MERALCO; Mr. Mario Tayag at Mr. Joel Esquivel para sa PLDT; Ms. Shirley Evangelista para sa SSS; at Mr. Henry Cruz ng BPLO, Ms. Karen Rivera ng IPU at Municipal Administrator Eric Tagle bilang mga representante ng Munisipalidad.

Matatandaang ang Baliwag ay itinuturing na sentro ng kalakalan, komersiyo at industriya sa hilagang bahagi ng Bulacan.  Sa pagpapanatili nito, tinitiyak ng Pamahalaang Bayan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ferdie Estrella ang kapakanan ng mga negosyante sa kanyang nasasakupan. Kabahagi nito ang pagbubukas ng Baliwag Business Center na magiging malaking tulong sa pagpapaunlad pa ng business sector ng ating bayan.

Advertisements